ABRIL 2, 2021
RUSSIA
Brother Aleksandr Bondarchuk at Sergey Yavushkin, Sesentensiyahan Pagkatapos ng Maraming Buwan na House Arrest
UPDATE | Korte sa Russia, Pinatawan ng Suspended Prison Sentence Sina Brother Aleksandr Bondarchuk at Sergey Yavushkin
Noong Hunyo 22, 2021, hinatulan ng Zavodskiy District Court ng Kemerovo sina Brother Aleksandr Bondarchuk at Sergey Yavushkin at pinatawan ng apat-na-taóng suspended prison sentence. Hindi nila kailangang makulong sa ngayon.
Iskedyul ng Paghatol
Malapit nang ilabas ng Zavodskoy District Court ng Kemerovo ang hatol nito sa kaso nina Brother Aleksandr Bondarchuk at Sergey Yavushkin. a
Profile
Aleksandr Bondarchuk
Ipinanganak: 1974 (Topki, Kemerovo Region)
Maikling Impormasyon: Namatay ang tatay niya noong 19 siya. Nag-aral para matutong mag-operate ng heavy equipment. Nang maglaon, natutong magkarpintero. Ang kasalukuyang trabaho ay tagakumpuni ng mga hurno. Mahilig mag-fishing, mag-ski, magbisikleta, at mag-jogging
Napangasawa si Elena noong 1992. Si Elena ang unang nagpa-Bible study sa mga Saksi ni Jehova. Nailigtas ang pagsasama nilang mag-asawa dahil sinunod nila ang mga prinsipyo sa Bibliya. Mayroon silang dalawang anak na lalaki
Sergey Yavushkin
Ipinanganak: 1960 (Rubtsovsk, Altai Territory)
Maikling Impormasyon: Nagtrabaho bilang welder sa loob ng maraming taon. Ang kasalukuyang trabaho ay tagagawa at tagakumpuni ng mga kandado. Mula pa noong bata siya, mahilig nang tumugtog ng gitara at maglaro ng iba’t ibang sports
Napangasawa si Tatiana noong 1990. Di-nagtagal, nagpa-Bible study sila sa mga Saksi ni Jehova. Hangang-hanga sila sa Bibliya dahil sa kabila ng pagiging sinaunang aklat nito, praktikal pa rin ito ngayon. Dalawa ang anak nila, isang lalaki at isang babae
Kaso
Noong Hulyo 22, 2019, alas-6 ng umaga, ni-raid ng mga pulis ang mga apartment nina Brother Aleksandr Bondarchuk at Sergey Yavushkin sa ikalawang pagkakataon. Pero ngayon, inaresto ang mga brother at pinagtatanong ang kanilang mga asawa. Kinuha rin ng mga pulis ang mga gadyet nila.
Sina Aleksandr at Sergey ay idinitine nang dalawang araw. Pagkatapos, ipina-house arrest sila nang dalawang buwan ng Central District Court ng Kemerovo, at na-extend ito nang anim pang beses.
Habang naka-house arrest, ang mga brother ay di-puwedeng lumayo nang mahigit 300 metro mula sa kanilang bahay. Kaya hindi sila makapasok sa trabaho. Pero bago nito, ang mga brother ay mayroon nang mabuting reputasyon sa kanilang komunidad at pinagtatrabahuhan. Kaya tinawagan ng mga pinagtatrabahuhan nila ang imbestigador na humahawak sa kanilang kaso at hiniling na payagan silang makapagbiyahe. Hindi pinagbigyan ang kahilingan ng mga ito.
Paulit-ulit na nakita ni Aleksandr at ng kaniyang pamilya ang tulong ni Jehova. Dahil hindi siya makapagtrabaho at hindi sila makapag-withdraw ng pera sa kanilang bangko, nahirapan sila sa pinansiyal. Pero sinabi ni Aleksandr: “Dahil sa pagsubok na ito, natuto ako na lalo pang magtiwala kay Jehova. Bago nito, hindi ko masyadong napapansin ang tulong ni Jehova, pero ngayon, nakikita ko ang tulong niya bawat oras sa bawat araw. Hindi niya ako kailanman iniwan, maging ang pamilya ko. Damang-dama namin ang suporta at pag-ibig ni Jehova.”
Matinding stress ang naranasan ni Sergey dahil sa kasong kriminal na isinampa laban sa kaniya. Dahil dito, na-stroke siya. Sa kabila nito, nananatili pa rin siyang positibo. Sinabi niya: “Kailangan nating ituring na maliit na problema lang ang pansamantalang paghihirap na ito, kahit na hindi madaling tiisin ang lahat ng nangyayari sa atin.”
Nakapagpalakas kay Sergey ang 1 Corinto 15:58, na nagsasabing “hindi masasayang ang pagpapagal ninyo para sa Panginoon.” Sinabi ni Sergey: “Naaalala ni Jehova ang lahat ng bagay, at lagi niyang aalalahanin ang mabubuti nating gawa.”
Ipinapanalangin natin ang ating mga kapatid sa Russia na matiyagang nagtitiis ng pag-uusig sa loob ng maraming taon. Patuloy sana silang mapalakas ng Salita ng Diyos, na nagsasabi: “Nalulugod si Jehova sa mga natatakot sa kaniya, sa mga naghihintay sa kaniyang tapat na pag-ibig.”—Awit 147:11.
a Hindi laging ipinapaalám kung kailan ang petsa ng paghatol ng korte.