Pumunta sa nilalaman

Si Brother Aleksandr Ivshin

PEBRERO 12, 2021
RUSSIA

Brother Aleksandr Ivshin, 63 Taóng Gulang, Sinentensiyahan ng Pito’t-Kalahating-Taóng Pagkabilanggo Dahil sa Pagkanta at Pag-oorganisa ng mga Virtual na Pulong

Brother Aleksandr Ivshin, 63 Taóng Gulang, Sinentensiyahan ng Pito’t-Kalahating-Taóng Pagkabilanggo Dahil sa Pagkanta at Pag-oorganisa ng mga Virtual na Pulong

Hatol

Noong Pebrero 10, 2021, hinatulan ng Abinskiy District Court ng Krasnodar Territory si Brother Aleksandr Ivshin. Sinentensiyahan siya ng pito’t-kalahating-taóng pagkabilanggo—ang pinakamahabang sentensiya na ipinataw sa isang kapatid mula nang ipagbawal ng Supreme Court ang gawain natin noong 2017.

Profile

Aleksandr Ivshin

  • Ipinanganak: 1957 (Katav-Ivanovsk)

  • Maikling Impormasyon: Bago magretiro, nagtrabaho bilang operator ng lathe, magtotroso, at safety engineer ng isang pabrika. Ikinasal kay Galina noong 1974. Mayroon silang dalawang anak na babae at walong apo

    Nang magkaroon siya ng malalang sakit, pinag-isipan niya kung ano talaga ang layunin ng buhay. Pagkatapos mabasa ang tatlo sa apat na Ebanghelyo sa loob lang ng isang gabi, nag-aral siya ng Bibliya. Nabautismuhan noong 1995

Kaso

Mula pa noong 2015, kinakasuhan na ang mga Saksi ni Jehova sa Abinsk. Pinaratangan ang Local Religious Organization of Jehovah’s Witnesses na “ekstremista” at ipinagbawal ang mga gawain nito. Makalipas ang mga limang taon, noong Abril 23, 2020, isang kasong kriminal ang isinampa laban kay Brother Aleksandr Ivshin. Sinasabing “krimen” ang pagkanta niya ng mga Kingdom song at pag-oorganisa ng mga pulong sa pamamagitan ng videoconference.

Nang halughugin ng mga awtoridad ang bahay nina Aleksandr at Galina, parehong tumaas nang husto ang blood pressure nila dahil sa stress. Makalipas ang ilang buwan, kinumpiska ang sasakyan nila. Sa kabila ng lahat ng ito, positibo pa rin si Aleksandr. Ito ang mga huling sinabi niya sa korte: “Hindi na ako nagtataka na nasasakdal ako sa kasong ito dahil inihula na ito ni Jesus. Sinasabi sa Mateo 10:18: ‘At dadalhin kayo sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin, at makapagpapatotoo kayo sa kanila at sa mga bansa.’ . . . Hindi ako nalulungkot sa mga sinabi ni Jesus. Ang totoo, napapasaya ako nito dahil masasabi ko sa korteng ito ang pag-asa na naghihintay sa lahat ng nakakaunawa na kailangan nila ang Diyos.”

Muli, malaking patotoo sa Russia at sa buong mundo ang nangyari kina Aleksandr at Galina. Nakakatiyak tayo na pagpapalain sila ni Jehova dahil nagtitiwala sila sa kaniya.—Jeremias 17:7.