Pumunta sa nilalaman

Si Brother Anatoliy Vilitkevich kasama ang kaniyang asawa, si Alyona

ABRIL 7, 2021
RUSSIA

Brother Anatoliy Vilitkevich, Tapat Habang Hinihintay ang Desisyon ng Korte

Brother Anatoliy Vilitkevich, Tapat Habang Hinihintay ang Desisyon ng Korte

UPDATE | Korte sa Russia, Ibinasura ang Apela

Noong Disyembre 16, 2021, ibinasura ng Korte Suprema ng Republic of Bashkortostan ang apela ni Brother Anatoliy Vilitkevich. Hindi nagbago ang unang hatol sa kaniya. Hindi niya kailangang makulong sa ngayon.

Noong Setyembre 27, 2021, hinatulang nagkasala ng Leninskiy District Court ng Ufa si Brother Anatoliy Vilitkevich at pinatawan ng suspended prison sentence na dalawang taon.

Profile

Anatoliy Vilitkevich

  • Ipinanganak: 1986 (Khabarovsk Territory)

  • Maikling Impormasyon: Isang karpintero. Napangasawa si Alyona noong 2008. Mahilig silang mag-camping at mag-hiking

    Tinulungan siya ng kaniyang mga magulang na ibigin ang kaniyang Maylalang mula sa pagkabata. Tuwang-tuwa siya sa pangako na balang araw, ang mga tao at mga hayop ay mamumuhay nang payapa. Nabautismuhan siya noong 1997 sa edad na 11

Kaso

Si Brother Anatoliy Vilitkevich ay isinama sa listahan ng pinaghihinalaang terorista ng Russia noong Agosto 8, 2018. Kasama si Brother Dennis Christensen, si Anatoliy ang isa sa mga unang Saksi na nakulong bago pa man litisin pagkatapos ipagbawal ng Korte Suprema ng Russian Federation ang mga Saksi ni Jehova noong Abril 2017.

Ang mga imbestigador ay palihim na naglagay ng mga kamera sa apartment nina Anatoliy at Alyona. Inirekord ng mga imbestigador si Anatoliy habang ginagawa ang “krimen” na pakikipag-usap sa mga kaibigan niya tungkol sa Bibliya. Akusado siya ngayon ng pag-oorganisa ng mga gawain ng isang organisasyon ng sinasabi nilang ekstremista.

Nang kunin ng mga pulis si Anatoliy, malupit na sinabi ng isang opisyal kay Alyona na “humanap na ng bagong asawa.” Sinabi ni Anatoliy na “sobrang nakaka-stress ang panahon ng interogasyon. Sinabi nila sa akin na kung hindi ko aaminin ang mga paratang, magdurusa ang asawa ko at ang lahat ng nasa bahay namin na dumalo ng mga pulong. Maraming beses akong sinabihan na makukulong din ang asawa ko. Sa gayong mga pagkakataon, nananalangin ako kay Jehova at hinihiling kong bigyan ako ng kapayapaan ng isip.”

Nakulong si Anatoliy nang mahigit dalawang buwan bago pa man litisin, halos siyam na buwan siyang naka-house arrest, at mahigit isa’t kalahating taon siyang hindi puwedeng magbiyahe. Habang nakabilanggo, isinulat niya sa isang notebook ang mga halimbawa mula sa Bibliya na pinag-usig. Sinabi niya: “Naaalala ko na hinayaan sila ni Jehova na maranasan ang mga problema, pero hindi niya sila iniwan. Talagang napatibay ako nito at tiniyak nito sa akin na iyon din ang gagawin sa akin ni Jehova. Ang mahalaga ay manatili akong tapat.” Pinatibay din siya ng mga sulat galing sa kaniyang asawa. “Sa isa sa mga sulat niya, ipinadala niya ang mga litrato namin na kasama ang aming mga kaibigan at mga mahal sa buhay,” ang sabi ni Anatoliy. “Gabi-gabi, tinitingnan ko ang mga litrato at inaalala ko ang masasayang pangyayari sa akin at sa kasama ko sa litrato. Nakatulong ito sa akin na madamang parang nasa tabi ko lang sila.”

Ang tapat na halimbawa nina Anatoliy at Alyona ay nakakapagpatibay sa ating lahat. Natutuwa tayong malaman na ang mga kapatid natin sa Russia ay lalong napapalapít kay Jehova sa kabila ng matinding pag-uusig. At pinapasalamatan natin si Jehova dahil dinirinig niya ang mga panalangin natin para sa kanila.​—2 Corinto 1:11.