Pumunta sa nilalaman

Si Brother Andrey Gubin

ABRIL 5, 2021
RUSSIA

Brother Andrey Gubin, Determinadong Manatiling Tapat Habang Nililitis

Brother Andrey Gubin, Determinadong Manatiling Tapat Habang Nililitis

UPDATE | Hinatulang Nagkasala ng Korte sa Russia si Brother Gubin

Noong Setyembre 9, 2021, hinatulang nagkasala ng Birobidzhan District Court ng Jewish Autonomous Region si Brother Andrey Gubin at pinatawan ng dalawang-taon-at-anim-na-buwang suspended prison sentence. Hindi niya kailangang makulong sa ngayon.

Profile

Andrey Gubin

  • Ipinanganak: 1974 (Saran City, Kazakhstan)

  • Maikling Impormasyon: May isang kuya at kapatid na babae. Noong bata pa siya, nagtatrabaho nang part-time pagkatapos ng klase bilang aprentis na tagakumpuni ng kandado para makatulong sa pamilya. Nang maglaon, naging operator ng lathe at mga heavy equipment. Mahilig sa sports, magsulat ng tula, at tumugtog

  • Mula sa pagkabata, nadismaya siya sa kawalang-katarungan at kasamaan sa mundo. Nagkaroon siya ng kapayapaan at nalaman niya ang layunin ng buhay sa pag-aaral ng Bibliya. Dahil sa pangako ng Bibliya na isasauli ang katarungan at kapayapaan sa sangkatauhan, napakilos siyang ialay ang kaniyang buhay sa Diyos na Jehova. Nabautismuhan noong 1991 sa edad na 17. Napangasawa si Tatyana noong 2007. Lumipat sa Birobidzhan noong 2011

Kaso

Noong Pebrero 12, 2020, inimbestigahan ng mga agent ng Federal Security Service (FSB) si Brother Andrey Gubin. Noong Setyembre 17, 2020, nagsimula na ang paglilitis sa kaniyang kaso.

Ang kaso niya ay isa lang sa 19 na kriminal na imbestigasyon laban sa mga kapatid natin sa Jewish Autonomous Region. Resulta ito ng sunod-sunod na pag-raid sa mga bahay na tinawag na “Araw ng Paghuhukom.” Noong Mayo 17, 2018, ni-raid ng 150 pulis ang 22 tahanan ng mga Saksi ni Jehova. Kinumpiska ng mga awtoridad ang mga bank card, pera, litrato, computer, at mga gadyet.

Hinadlangan ng mga awtoridad sina Andrey at Tatyana na magamit ang pera nila sa bangko. Kaya wala silang pambili ng mga kailangan nila. Tumagal ang kaso nang ilang buwan, at naapektuhan ang kalusugan ni Tatyana. Pero napatibay silang mag-asawa dahil sa regular na pagbabasa ng Bibliya. Lalo nang nakatulong sa kanila ang praktikal na payo ng Bibliya kung paano matitiis ang mahihirap na sitwasyon.

Tumibay ang pagtitiwala ni Andrey kay Jehova at sa Kaniyang organisasyon dahil sa suportang natanggap niya mula sa mga kapatid sa kongregasyon. Halimbawa, may isang araw na alalang-alala si Andrey sa sitwasyon niya. Sinabi niya ito sa isang brother na may kaso ding gaya niya. Pinatibay muna ng brother si Andrey at sinabing normal lang na mag-alala sa gayong kalagayan. Pagkatapos, ipinaalala ng brother kay Andrey na itinuring ni Jesus na isang pribilehiyo na pag-usigin dahil sa pangalan ni Jehova. “Pagkatapos, kumalma ang pakiramdam ko,” ang sabi ni Andrey. “Determinado akong patuloy na gawin ang kalooban ng ating Ama.”

Dalangin natin na patuloy na magtitiwala sina Andrey at Tatyana sa kaaliwan at lakas mula sa Salita ng Diyos at sa ating mga kapatid. Alam nating “mapapabuti ang mga natatakot sa tunay na Diyos.”—Eclesiastes 8:12.