Pumunta sa nilalaman

HULYO 24, 2020
RUSSIA

Brother Dennis Christensen, Ibinilanggo sa Special Punishment na Selda sa Ikalawang Pagkakataon

Brother Dennis Christensen, Ibinilanggo sa Special Punishment na Selda sa Ikalawang Pagkakataon

Noong Hulyo 15, 2020, ibinilanggo si Brother Dennis Christensen sa special punishment na selda (SHIZO) sa ikalawang pagkakataon. Mananatili siya doon hanggang Hulyo 27 o mas matagal pa. Nangyari ito apat na araw lang matapos siyang ilabas sa SHIZO. Kung ibabalik siya sa SHIZO sa ikatlong pagkakataon, puwede siyang ituring ng bilangguan bilang isa na “sadyang lumalabag sa mga batas ng bilangguan.” Pagkatapos, puwede nila siyang ikulong nang hanggang anim na buwan sa isang selda na mas matindi ang parusa (EPKT). Magsusumite ng apela ang mga abogado ni Brother Christensen sa bagong mga paratang na ito.

Pinaparusahan ng mga awtoridad si Brother Christensen dahil hindi na niya magawa ang mga ipinapagawa sa kaniya sa bilangguan dahil mahina na siya. Pinagtatrabaho si Brother Christensen sa sewing factory ng bilangguan. Pero humina na ang kalusugan niya mula nang ibilanggo siya. Sinasabi ng mga doktor ng bilangguan na kaya pa ni Brother Christensen ang trabahong ibinigay sa kaniya, basta’t may pahinga siya at exercise. Pero bago nito, sinuri si Brother Christensen ng isang doktor na hindi nagtatrabaho sa bilangguan, at sinabi nito na hindi kakayanin ni Brother Christensen ang trabaho niya sa bilangguan dahil sa kalusugan niya.

Sa SHIZO, ang mga bilanggo ay hindi puwedeng bumili ng pagkain, tumawag sa telepono o tumanggap ng tawag, magkaroon ng bisita, o tumanggap ng mga padala. Pinapahintulutan lang ng batas na madalaw ang mga bilanggo ng mga relihiyosong ministro. Pero hindi makakahiling si Brother Christensen na madalaw ng mga elder dahil ang mga Saksi ni Jehova ay hindi na opisyal na nakarehistro bilang relihiyon sa Russia.

Gaya ng naiulat na, noong Hunyo 23, pinagkalooban ng Lgov District Court si Brother Christensen ng maagang paglaya at pinatawan na lang ng multa bilang kapalit sa natitirang bahagi ng sentensiya niya. Pagkalipas ng ilang araw, umapela ang prosecutor sa naging desisyon. Lumilitaw na nakikipagsabuwatan ang mga opisyal ng bilangguan sa prosecutor para masira ang reputasyon ni Brother Christensen at mapigilan ang maagang pagpapalaya sa kaniya.

Positibo pa rin si Brother Christensen at ang asawa niyang si Irina. Talagang napapatibay tayo na makita na laging tinutulungan ni Jehova ang mga lingkod niya na matiis nang may kagalakan ang pinakamahihirap na sitwasyon.​—Colosas 1:11.