Pumunta sa nilalaman

Sa labas ng istasyon ng tren sa Uzbekistan noong Enero 21, 2021, matapos palayain sa bilangguan sa Russia, nakasama muli ni Brother Feliks Makhammadiyev ang kaniyang asawa na si Yevgeniya

ENERO 21, 2021
RUSSIA

Brother Feliks Makhammadiyev, Pinalaya sa Russia at Ipina-deport sa Uzbekistan

Brother Feliks Makhammadiyev, Pinalaya sa Russia at Ipina-deport sa Uzbekistan

Noong Disyembre 31, 2020, si Brother Feliks Makhammadiyev ay pinalaya sa Russia. Nagdesisyon ang Belyayevsky District Court ng Orenburg Region na pansamantalang ilagay si Brother Feliks sa isang deportation center hanggang sa makumpleto ang mga dokumentong kailangan niya para mai-deport sa sarili niyang bansa na Uzbekistan, dahil noong Abril 2020, tinanggalan siya ng Russia ng pagkamamamayan. Noong Enero 20, 2021, isinakay siya ng mga awtoridad sa isang tren papuntang Uzbekistan. Masaya kaming sabihin sa inyo na maayos na nakarating si Brother Feliks sa Uzbekistan noong Enero 21, 2021. Dalawang araw na ang nakakalipas, ang asawa niyang si Yevgeniya ay nauna na sa Uzbekistan, kaya nandoon na siya para salubungin si Brother Feliks.

Tumira si Feliks sa Russia sa loob ng mga 18 taon. Kabataan pa lang siya nang lumipat sila ng nanay niya sa Saratov, Russia, noong 2002. Nabautismuhan siya noong 2004 sa edad na 19. Ikinasal sila ni Yevgeniya noong 2011.

Noong Hunyo 12, 2018, ni-raid ng armado at naka-mask na mga opisyal ng Federal Security Service (FSB) at ng mga lokal na pulis ang bahay nina Feliks at Yevgeniya. Inaresto si Feliks at halos isang taóng ibinilanggo kahit hindi pa siya nalilitis. Pero lagi siyang nananalangin para sa lakas. Sinabi niya: “Araw-araw akong nananalangin kay Jehova para bigyan ako ng kapayapaan at kagalakan para sa araw na iyon.”

Si Brother Feliks Makhammadiyev, mga dalawang linggo matapos bugbugin ng mga guwardiya sa bilangguan

Si Feliks at ang lima pang brother ay hinatulan at sinentensiyahang mabilanggo noong Setyembre 19, 2019. Matapos matalo sa apela, si Feliks at ang apat sa mga brother na iyon ay inilipat sa bilangguan sa Orenburg, mahigit 800 kilometro ang layo mula sa kanilang tahanan at mga pamilya sa Saratov. Pagdating nila roon, pinagbubugbog sila.

Pero sa kabila ng lahat ng iyon, hindi nawala ang kagalakan ni Feliks at ang kaniyang ngiti, kung saan siya kilalang-kilala. Sinabi ni Yevgeniya: “Proud na proud ako sa kaniya! Hindi lang siya humarap sa korte nang may dignidad, nakakapagtiis din siya nang may dignidad. Natutulungan din niya ako na makapagtiis.”

Kahit na sinubukan ng mga awtoridad sa Russia na saktan si Feliks at sirain ang pananampalataya niya, sinabi ni Feliks na lalo lang tumibay ang katapatan niya kay Jehova dahil sa pag-uusig sa kaniya. Maaalala natin sa kaniya ang sinabi ni Jose sa mga kapatid nito sa Genesis 50:20: “Kahit gusto ninyo akong ipahamak noon, hinayaan ito ng Diyos para sa ikabubuti.”