HUNYO 5, 2020
RUSSIA
Brother Gennady Shpakovskiy, Puwedeng Mahatulang Mabilanggo Nang Pito at Kalahating Taon sa Russia
Sa Hunyo 8, 2020, ibababa ng Pskov City Court ang hatol nito sa 61-anyos na si Brother Gennady Shpakovskiy. Inakusahan siya ng diumano’y ekstremistang gawain dahil lang sa pagdaraos ng maliliit na Kristiyanong pagtitipon sa bahay niya. Hiniling ng prosecutor sa korte na masentensiyahan si Brother Shpakovskiy na mabilanggo nang pito at kalahating taon.
Noong 2018, sinimulang manmanan ng mga agent ng Federal State Security (FSB) ang apartment at gawain ng pamilyang Shpakovskiy sa loob ng ilang buwan. Noong Hunyo 3, 2018, 12:45 n.h., puwersahang binuksan ng mga agent ng FSB, kasama ang armadong mga opisyal ng National Guard, ang harap na pinto ng apartment ng pamilyang Shpakovskiy. At noong pagkakataong iyon, may mga taong mapayapang nagpupulong, at anim na oras na hinalughog ang bahay.
Kinumpiska ng mga agent ng FSB ang mga tablet at cellphone at dinakip ang mga Saksi para sa interogasyon. Ininsulto ang mga Saksi at pinagbantaang mawawalan sila ng trabaho at mabibilanggo. Umabot nang alas-10 ng gabi ang ginawang interogasyon kay Brother Shpakovskiy.
Noong Marso 19, 2019, inakusahan si Brother Shpakovskiy ng pag-oorganisa ng gawain ng isang “ekstremistang” organisasyon. Makalipas ang limang buwan, inakusahan din siya ng “pagbibigay ng pondo para sa ekstremistang gawain.”
Habang hinihintay natin ang desisyon ng korte, buong tiwala tayong nananalangin kay Jehova na tulungan ang pamilyang Shpakovskiy na manatiling matatag, at alam nating gagantimpalaan niya ang kanilang katapatan at pagtitiis.—2 Cronica 15:7.