Pumunta sa nilalaman

Labing-apat na araw pagkalaya mula sa bilangguan sa Russia, muling nakasama ni Brother Konstantin Bazhenov ang asawa niyang si Irina sa Ukraine, pagkatapos makatawid ng border noong Mayo 19, 2021

MAYO 20, 2021
RUSSIA

Brother Konstantin Bazhenov, Ligtas na Nakarating sa Ukraine Pagkatapos I-deport Mula sa Russia

Brother Konstantin Bazhenov, Ligtas na Nakarating sa Ukraine Pagkatapos I-deport Mula sa Russia

Pinalaya si Brother Konstantin Bazhenov mula sa isang bilangguan sa Russia noong Mayo 5, 2021. a Makalipas ang ilang araw sa deportation center, idineport siya sa Ukraine noong Mayo 19, 2021. Naunang pumunta doon ang asawa niyang si Irina para salubungin siya. Idineport si Konstantin dahil binawi ang pagiging mamamayan niya ng Russia noong Mayo 2020.

Pagkatapos tawirin ang border papuntang Ukraine, sinalubong si Brother Konstantin Bazhenov at ang asawa niyang si Irina ng isang mag-asawa na may hawak na sign na nakasulat ang Isaias 54:17: “Anumang sandata ang gawin para ipanlaban sa iyo ay hindi magtatagumpay, . . . ang sabi ni Jehova”

Profile

Ipinanganak si Konstantin noong 1975 sa isang di-relihiyosong pamilya sa kanlurang lunsod ng Russia na Veliky Novgorod. Noong bata pa siya, lumipat ang pamilya niya sa Ukraine. Mahilig si Konstantin sa gymnastics at musika. Nagtapos siya sa isang paaralang pangmusika at naging lider ng isang banda.

Bago pa mag-aral ng Bibliya, naniniwala na si Konstantin na hindi tama ang karahasan at digmaan. Kaya nang tawagin siya para magsundalo sa Ukraine, tumanggi siya. Noong nag-aaral siya sa kolehiyo, marami siyang tanong tungkol sa buhay at sa relihiyon. Sinuri niya ang iba’t ibang relihiyon at nakita niya ang hinahanap niyang mga sagot nang magpa-Bible study siya sa mga Saksi ni Jehova. Nabautismuhan siya noong 1996.

Napangasawa ni Konstantin si Irina noong 2001. Para suportahan ang sarili niya at si Irina, nagtrabaho siya bilang tagalagay ng brick, na ang specialty ay mga pugon at fireplace. Lumipat sila sa Russia noong 2009.

Raid at Pagkakabilanggo

Noong Hunyo 12, 2018, ni-raid ng armadong mga pulis ang pitong bahay ng mga Saksi ni Jehova sa Saratov, pati na ang apartment nina Konstantin at Irina. Siya at ang dalawa pang brother sa Saratov ay inaresto at ipinadala sa pretrial detention.

Pagdating na pagdating sa detention center, alam ni Konstantin na kailangan niya ng pampatibay at suporta mula sa Salita ng Diyos, pero wala siyang makuhang Bibliya doon. “Pinadalhan ako ng asawa ko ng isang notebook, at isinusulat ko doon araw-araw ang mga tekstong naaalala ko,” sabi ni Konstantin. Tinulungan siya ni Jehova na maalala ang 500 teksto sa loob lang ng dalawang buwan! Nang makatanggap na siya ng Bibliya, binasa niya ang buong Bibliya sa loob ng apat na buwan. Talagang napatibay siya ng Kasulatan. Masayang-masaya rin siyang ibahagi ang nakakapagpatibay na mga punto sa mga sulat niya sa kaniyang asawa at mga kaibigan.

Madalas manalangin nang marubdob si Konstantin na matiis niya ang kalagayan niya sa kulungan, lalo na kapag nararamdaman niyang nag-iisa siya at kapag nami-miss niya ang asawa niya. Naaalala niya: “Lumuluhod ako at umiiyak habang nananalangin kay Jehova. Isinulat ko sa isang papel ang mga kahilingan ko sa Diyos at minamarkahan ko ang mga nasagot niya. Kumbinsido ako na malapit na malapit sa akin ni Jehova.” Napalaya siya mula sa pretrial detention noong Mayo 20, 2019. Pero hindi pa diyan natatapos ang mga problema niya.

Nahatulang Nagkasala

Si Konstantin at ang lima pang brother mula sa Saratov ay nahatulang nagkasala at sinentensiyahang makulong noong Setyembre 19, 2019. Pagkatapos ibasura ang kanilang apela makalipas ang ilang buwan, ang lima sa mga brother ay inilipat sa bilangguan sa Orenburg. Si Konstantin ay ipinadala sa bilangguan sa Dimitrovgrad, mahigit 500 kilometro mula sa bahay nilang mag-asawa sa Saratov.

Sa bilangguan nag-Memoryal si Konstantin noong 2020

Noong nakakulong si Konstantin, napatibay si Irina sa pagbabasa sa JW Balita ng talambuhay ng mga kapatid na nanatiling masaya habang lakas-loob na nagtitiis ng pag-uusig. Napatibay rin si Irina ng determinasyon at pagiging kalmado ni Konstantin. Sa isang interbyu habang nakakulong si Konstantin, sinabi ni Irina: “Puro positibo ang sinasabi niya!” Nang payagan siyang makatawag kay Konstantin, magkasama silang kumakanta, nananalangin, at nag-aaral. Sinabi niya na dahil sa mga pag-uusap nila tungkol sa Bibliya, tumibay ang pananampalataya niya kay Jehova at nakapanatili siyang masaya kahit mahirap ang kalagayan.

Nakulong si Konstantin nang mahigit 14 na buwan sa pretrial detention at mahigit isa’t kalahating taon sa bilangguan. Tatlo at kalahating taon ang sentensiya sa kaniya, pero pinalaya siya nang mas maaga ng siyam na buwan. Ang dahilan, ang pagkakakulong niya sa pretrial detention ay katumbas ng 1.5 beses, kaya ang 14 na buwan ay katumbas ng 21 buwan. At binigyan din siya ng parole dalawang buwan bago matapos ang sentensiya sa kaniya.

Masaya tayo na napalaya na si Konstantin at kasama na ulit niya si Irina. Ang lahat ng kapatid nating nagtiis ng pag-uusig ay talagang sumusunod sa payo ni Haring David: “Nanganganlong ako sa lilim ng mga pakpak mo hanggang sa lumipas ang kapighatian.”—Awit 57:1.

a Nang palayain si Konstantin, nasa labas si Irina at ang mga 20 kapatid para salubungin siya bago siya dalhin sa isang pansamantalang detention center habang naghihintay na i-deport siya. Pinayagan ng mga pulis na naatasang maghatid kay Konstantin na makasama niya ang kaniyang asawa nang 30 minuto bago nila siya dalhin sa deportation center.