PEBRERO 19, 2021
RUSSIA
Brother Konstantin Guzev, Hinatulan Dahil sa Pananampalataya Niya
UPDATE | Hindi Tinanggap ang Apela ni Brother Konstantin Guzev
Noong Mayo 13, 2021, hindi tinanggap ng Court of the Jewish Autonomous Region ang apela ni Brother Guzev. Ipapatupad na ang orihinal na sentensiya sa kaniya na dalawang-taon-at-anim-na-buwang suspended prison sentence. Hindi niya kailangang makulong sa ngayon.
Hatol
Noong Pebrero 18, 2021, hinatulan ng Birobidzhan District Court ng Jewish Autonomous Region si Brother Konstantin Guzev ng dalawa’t-kalahating-taóng suspended prison sentence. Hindi niya kailangang makulong ngayon.
Profile
Konstantin Guzev
Ipinanganak: 1964 (Khabarovsk)
Maikling Impormasyon: Lumaki sa isang pamilya na mapang-abuso at lasenggo ang tatay. Iniisip niya kung ano ang layunin ng buhay. Dahil walang mahanap na sagot, bumaling siya sa droga at alak. Bandang huli, nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Nasagot ang mga tanong niya. Gumawa ng malalaking pagbabago sa buhay. Nabautismuhan noong 2000. Ikinasal kay Anastasiya noong 2001
Kaso
Noong Mayo 2018, kasama sa mga ni-raid ng mga awtoridad ang bahay ni Konstantin. Sa raid na ito na tinatawag nilang “Araw ng Paghuhukom,” hinalughog ng 150 pulis ang mga bahay sa lunsod ng Birobidzhan. Noong Hulyo 29, 2019, nagsampa ang mga awtoridad ng isang kasong kriminal laban kay Konstantin. Kinasuhan siya sa “pag-oorganisa ng mga gawain ng isang ekstremistang organisasyon” dahil lang sa pangangasiwa sa pulong.
May 19 na iba’t ibang kaso na isinampa laban sa 22 Saksi ni Jehova sa rehiyong iyon, kasama na ang kaso laban sa asawa ni Konstantin na si Anastasiya.
Dahil sa katapangan ng ibang mga kapatid sa Russia, lumakas ang loob nilang mag-asawa. Sinabi ni Konstantin: “Naririnig ko na sinasabi ng ilang sister na tatahimik lang sila sa korte. . . . Pero sa tulong ni Jehova at ng panalangin ng mga kapatid, napakaganda ng mga sinabi nila sa harap ng korte at naipagtanggol nila ang kanilang pananampalataya.”
Patuloy nating ipinapanalangin ang mga kapatid natin sa Russia. Alam natin na mabibigo ang lahat ng plano para sirain ang katapatan nila dahil tinutulungan sila ni Jehova.—Isaias 8:10.