Pumunta sa nilalaman

Si Brother Konstantin Moiseyenko at ang asawa niyang si Margarita

HULYO 7, 2021
RUSSIA

Brother Konstantin Moiseyenko, Napapalakas sa Halimbawa ng Iba

Brother Konstantin Moiseyenko, Napapalakas sa Halimbawa ng Iba

UPDATE | Korte sa Russia, Hindi Tinanggap ang Apela

Noong Setyembre 9, 2021, hindi tinanggap ng Amur Regional Court ang apela ni Brother Moiseyenko. Mananatili ang sentensiya sa kaniya. Hindi niya kailangang makulong sa ngayon.

Noong Hulyo 14, 2021, hinatulan ng Zeyskiy District Court ng Amur Region na nagkasala si Brother Konstantin Moiseyenko at sinentensiyahan siya ng anim-na-taóng suspended prison sentence. Hindi niya kailangang makulong sa ngayon.

Profile

Konstantin Moiseyenko

  • Ipinanganak: 1976 (Abakan, Republic of Khakassia)

  • Maikling Impormasyon: May nakababatang mga kapatid na lalaki na kambal. Noong kabataan niya, natutong mag-martial arts. Naging computer systems administrator at service engineer

    Noong 1998, napangasawa si Margarita na isang fashion designer. Pareho silang nag-Bible study sa mga Saksi ni Jehova noong unang mga buwan ng 2000. Nagustuhan ni Konstantin ang pagiging tumpak ng Bibliya pagdating sa kasaysayan at siyensiya kaya nag-aral pa siya. Nabautismuhan silang mag-asawa nang taon ding iyon

    Namatay ang tatay niya 10 taon na ang nakakalipas. Anim na taon niyang inalagaan ang lola niyang bulag hanggang sa mamatay ito kamakailan

Kaso

Noong Marso 11, 2019, sinampahan ng kasong kriminal ng Investigative Department of the Federal Security Service (FSB) sa Amur Region si Brother Konstantin Moiseyenko. Ni-raid ng mga pulis ang limang bahay ng mga Saksi, kasama na ang bahay ni Konstantin. Kinuha ng mga pulis ang mga laptop, cellphone, at personal na mga dokumento. Isinama ang pangalan ni Konstantin sa listahan ng mga ekstremista ng Russian Federation, kaya hindi siya makakuha ng pera sa bangko niya.

Natatandaan ni Konstantin ang nakakapagpatibay na karanasan ng pagdalo nilang mag-asawa sa isang kombensiyon sa Seoul, South Korea, noong 2018. Noong panahon ng programa, hiniling ng isa sa mga tagapagsalita na tumayo ang mga nabilanggo dahil sa kanilang neutralidad. “Halos lahat ng brother sa stadium ay tumayo,” ang sabi ni Konstantin. “Sinabi [ng tagapagsalita]: ‘Tingnan n’yo! Buháy sila at nasa mabuti silang kalagayan!’ Nakatulong iyon sa akin na maunawaang posibleng magtiis sa ilalim ng pag-uusig.” Itinampok din ng tagapagsalita ang Awit 23:5: “Ipinaghahanda mo ako ng maraming pagkain sa harap ng mga kaaway ko. Nilagyan mo ng langis ang aking ulo; punong-puno ang aking kopa.” Naaalala ni Konstantin na talagang napatibay sila ng mga salitang iyon.

Pinapahalagahan din ni Konstantin ang suporta ng mga kapatid. Naantig siya sa interes na ipinakita ng mga Saksi sa buong daigdig at sa pananalangin nila para sa kaniya. Sinabi niya: “Parang may isang malaking grupo ng mga kapuwa Saksi na nakatayo sa tabi ng bawat kapatid na pinag-uusig sa bansa namin. Ginagawa ng mga kapuwa Saksing ito ang sinasabi ng 1 Juan 3:16: ‘Pananagutan nating ibigay ang buhay natin para sa mga kapatid natin.’”

Natutuwa tayong marinig na patuloy na pinapalakas ni Jehova ang ating mga kapatid sa Russia. Tumitibay ang pagtitiwala natin na bibigyan din niya tayo ng “lakas at kapangyarihan” kapag pinag-usig din tayo.—Awit 68:35.