MARSO 25, 2021
RUSSIA
Brother Nikolay Aliyev, Lakas-Loob na Tinitiis ang Pag-uusig Dahil sa Pananampalataya Niya
UPDATE | Hindi Tinanggap ng Korte sa Russia ang Apela
Noong Setyembre 2, 2021, hindi tinanggap ng Khabarovsk Regional Court ang apela ni Brother Nikolay Aliyev. Mananatili ang orihinal na sentensiya sa kaniya. Hindi niya kailangang makulong sa ngayon.
Pinatawan ng Suspended Prison Sentence si Brother Nikolay Aliyev
Noong Hunyo 4, 2021, hinatulan ng Central District Court ng Komsomolsk-on-Amur si Brother Nikolay Aliyev ng apat-at-kalahating-taóng suspended prison sentence.
Profile
Nikolay Aliyev
Ipinanganak: 1978 (Komsomolsk-on-Amur)
Maikling Impormasyon: Noong bata pa siya, pinag-iisipan niya ang tungkol sa pinagmulan ng buhay at ng uniberso. Kaya hinanap niya ang mga sagot sa Bibliya. Inihinto niya ang combat sports pagkatapos pag-isipan ang turo at halimbawa ni Jesus sa pagiging mapagpayapa. Nabautismuhan bilang Saksi ni Jehova noong 1993
Napangasawa si Alesya noong 2016. Mahilig silang maglakbay, mag-hiking, at mag-ski
Kaso
Noong madaling-araw ng Mayo 22, 2020, ni-raid ng armadong mga pulis ang bahay nina Nikolay at Alesya sa lunsod ng Komsomolsk-on-Amur. Pagpasok ng mga pulis, sinuntok nila si Nikolay kaya natumba ito. Limang oras na hinalughog ng mga pulis ang bahay nila bago sila ikinulong. Noong panahon ng interogasyon, sinabi ng mga pulis kay Nikolay na magpalit siya ng relihiyon. Sinabi rin nila kay Alesya na makipagtulungan siya para “walang mangyaring masama” sa asawa niya. Sa kabila ng mga banta, pinalaya sila nang gabing iyon at nakauwi ng bahay.
Napatibay si Nikolay nang pag-isipan niya kung paano siya tinulungan ni Jehova sa iba’t ibang paraan sa mga pagsubok na iyon. Sinabi niya: “Kapag napaharap ka sa mga pagsubok, alam mong hindi mo iyon makakayanan sa sarili mong lakas. Damang-dama ko kung paano sinagot ni Jehova ang mga panalangin ko at ginabayan ako. Kumbinsido ako sa sinabi ni Pablo: ‘Dahil kung kailan ako mahina, saka naman ako malakas.’”—2 Corinto 12:10.
Patuloy na nakakahanap ng paraan sina Nikolay at Alesya para magkaroon ng lakas ng loob at manatiling kalmado. Nag-print sila ng Isaias 41:10 at inilagay iyon sa refrigerator nila. Sinabi ni Nikolay: “Kapag mahirap ang kalagayan, binabasa ko ang teksto, at gumagaan ang pakiramdam ko. Pinapatibay ako nito na huwag matakot. Ang talagang nakakapagpatibay sa akin ay ang katiyakan ni Jehova na katabi ko siya, para bang niyayapos niya ako gaya ng isang matalik na kaibigan.” Nagtitiwala tayo na laging palalakasin ni Jehova ang kaniyang tapat na mga lingkod.