OKTUBRE 19, 2023
RUSSIA
Brother Rustam Seidkuliev, Idineport sa Turkmenistan Pagkatapos Palayain sa Bilangguan sa Russia
Pinalaya si Brother Rustam Seidkuliev mula sa bilangguan sa Russia noong Abril 7, 2023. Pagkatapos maghintay nang ilang buwan, idineport siya sa Turkmenistan noong Setyembre 17, 2023, dahil pinawalang-bisa ng gobyerno ng Russia ang pagkamamamayan niya sa Russia. Sabik na sabik na ang asawa niyang si Yuliya na makasama siyang muli.
Mahigit 7 buwan na naka-house arrest si Rustam at halos 23 buwan na nakakulong. Sa buong panahong iyon, nanatili siyang positibo at may matibay na pananampalataya kay Jehova. Sa isang liham na isinulat niya sa kaniyang selda, binanggit ni Rustam kung paano siya napatibay ng mga halimbawa sa Bibliya na magtiis: “Napatibay ako ng mga halimbawa nina Nabot at Mepiboset. Inakusahan sila nang walang basehan pero nanatili silang tapat kay Jehova. Nakatulong ito sa akin na maharap ang sitwasyon ko at laging isipin ang pag-asa ko.”
Isang beses kada tatlong buwan lang pinapayagan si Yuliya na dalawin si Rustam sa bilangguan. Pero napapatibay nila ang isa’t isa sa araw-araw na pag-uusap nila sa telepono, kung kailan tinatalakay nila ang teksto at komento mula sa Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw.
Bago ibilanggo, sinabi ni Rustam: “Natutuhan ko na kontrolado ni Jehova ang lahat ng bagay at pangangalagaan niya tayo sa tamang panahon at tamang paraan. Kaya kailangan kong patuloy at lubusang magtiwala sa kaniya.”
Nagtitiwala tayo na pangangalagaan ni Jehova sina Rustam at Yuliya habang patuloy nilang ginagawang kanlungan at moog si Jehova.—Awit 91:2.