ENERO 19, 2021
RUSSIA
Brother Sergey Britvin at Vadim Levchuk, Nananatiling Matatag Kahit Natalo sa Apela
Noong Enero 19, 2021, ibinasura ng Kemerovo Regional Court ang apela nina Brother Sergey Britvin at Vadim Levchuk. Ipapatupad na ang hatol sa kanila na apat-na-taóng pagkabilanggo. Dahil nabilanggo na sila bago pa man litisin at na-house arrest na, sa kabuoan, maituturing na mahigit tatlong taon na nilang binubuno ang sentensiya sa kanila. Kaya puwede silang mapalaya pagkatapos ng mga isang taon. Nananatili silang matatag at sinisikap nilang maging positibo sa kabila ng sitwasyon nila.
Sa pagtatapos ng unang pagdinig sa kanila, lakas-loob silang nagsalita tungkol sa pananampalataya nila kay Jehova at kung paano sila nakinabang sa paglilingkod sa kaniya.
Sinabi ni Sergey sa korte: “Ano ang inaasahan sa akin ng prosecutor? Talikuran ang pananampalataya ko? Ang totoo, nakatulong sa akin ang pananampalataya ko kay Jehova na maging mabuting tao at mamamayan ng Russia. Nagpapasalamat ako sa Diyos na tinulungan niya akong isalba ang pagsasama namin ng asawa ko at maging masaya. Dahil kay Jehova, nakita ko ang tunay na layunin ng buhay at ang magandang pag-asa sa hinaharap. Ang pinakamahalaga sa akin ay ang malapít na kaugnayan ko sa Diyos na Jehova. Iingatan ko ang pakikipagkaibigan ko sa kaniya, anumang akusasyon ang ibato sa akin.”
Sinabi naman ni Vadim: “Sa mga pinagdadaanan ko ngayon, talagang napapanatag ako dahil alam kong kakampi ko si Jehova at nananatili ako sa panig niya! Anuman ang maging hatol ng korte, ang pananaw ng Diyos ang mahalaga sa akin. Nasaan man ako, patuloy kong sisikapin na makapagpakita ng mga katangiang makakapagpasaya sa Diyos, gaya ng pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, kabaitan, pananampalataya, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili.”