Pumunta sa nilalaman

Si Sergey Verkhoturov at ang asawa niyang si Viktoriya

PEBRERO 26, 2021
RUSSIA

Brother Sergey Verkhoturov, Matatag Kahit na Posible Siyang Makulong Nang Pitong Taon

Brother Sergey Verkhoturov, Matatag Kahit na Posible Siyang Makulong Nang Pitong Taon

Iskedyul ng Paghatol

Sa Marso 1, 2021, a posibleng ilabas ng Priokskiy District Court ng Nizhny Novgorod ang hatol nito sa kaso ni Brother Sergey Verkhoturov. Posible siyang makulong nang pitong taon.

Profile

Sergey Verkhoturov

  • Ipinanganak: 1974 (Baikalsk, Irkutsk Region)

  • Maikling Impormasyon: Naging electrician nang 10 taon. Kamakailan, nagtrabaho bilang isang legal adviser sa isang kompanya

  • Interesado sa Bibliya mula noong kabataan niya. Bilang adulto, hinangaan ang mabuting paggawi ng katrabaho niya na nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Nag-aral din ng Bibliya. Manghang-mangha sa pagiging simple at makatuwiran ng Bibliya. Nabautismuhan noong 1995. Napangasawa si Viktoriya noong 2001

Kaso

Noong Hulyo 16 at 17, 2019, ni-raid ng mga pulis sa Russia ang 35 bahay ng mga Saksi ni Jehova sa Nizhny Novgorod Region, kasama na ang bahay ng mga Verkhoturov. Nang i-raid ng mga pulis ang bahay niya, sinabi ni Sergey: “Medyo nag-aalala ako, pero kalmado pa rin ako.” Pagkatapos, sinabi ng mga pulis na ikukulong nila si Viktoriya kung hindi magbibigay si Sergey ng kompidensiyal na impormasyon. “Napakahirap [nito] para sa akin,” sabi ni Sergey. Nanatili siyang matatag sa tulong ni Jehova, at hindi nakulong si Viktoriya. b

Sinabi niya: “Natutuhan kong huwag katakutan ang mga bagay na hindi pa nangyayari, kasi madalas, iba naman ang nangyayari. Kapag may pinagdadaanan kang pagsubok, sa mga nagmamasid, parang mahirap itong tiisin. Pero sa ganitong sitwasyon, mas mararamdaman mo ang tulong ni Jehova.”

Para mapanatili ang kaniyang kagalakan, nagpopokus si Sergey sa paggawa ng mga bagay para kay Jehova at sa iba. Sabi niya: “Ang gusto ko lang ay luwalhatiin ni Jehova ang sarili niya. Idinadalangin ko ito at patuloy ko itong idadalangin. Dalangin ko rin na makapagtiis ako para makapagdala ng karangalan sa pangalan ni Jehova at makapagbigay ng magandang patotoo sa iba. Ang mga taong nakilala ko mula nang magsimula ang pag-uusig na ito ay walang nalalaman o may kaunting kaalaman lang tungkol sa Diyos. Hinihiling ko kay Jehova na tulungan niya sana silang makilala siya at maging mga kaibigan niya.”

Habang patuloy na pinag-uusig ang ating mga kapatid sa Russia, masasabi rin natin ang sinabi ni apostol Pablo: “Ang Panginoon ng kapayapaan ay patuloy nawang magbigay sa inyo ng kapayapaan sa lahat ng bagay. Sumainyo nawang lahat ang Panginoon.”—2 Tesalonica 3:16.

a Posible pang magbago.

b Noong Marso 2020, sinampahan ng mga pulis ng hiwalay na kasong kriminal si Viktoriya.