MARSO 26, 2021
RUSSIA
Brother Vasiliy Reznichenko, 78 Taong Gulang—Kinasuhan Bilang “Ekstremista” Dahil sa Mapayapang Pagsamba sa Diyos
UPDATE | Korte sa Russia, Hindi Tinanggap ang Apela ni Brother Vasiliy Reznichenko
Noong Hulyo 30, 2021, hindi tinanggap ng Amur Regional Court ang apela ni Brother Vasiliy Reznichenko. Ipapatupad na ang hatol sa kaniya na dalawang-taóng suspended prison sentence. Hindi niya kinailangang makulong noong panahong iyon.
Noong Hunyo 2, 2021, hinatulan ng Zeya District Court ng Amur Region si Brother Vasiliy Reznichenko. Pinatawan siya ng dalawang-taóng suspended prison sentence.
Profile
Vasiliy Reznichenko
Ipinanganak: 1942 (Murovka, Primorye Territory)
Maikling Impormasyon: Bunso sa limang magkakapatid. Nag-aral para maging tractor operator at nang maglaon, navigator ng barko at mekaniko. Naglingkod bilang sundalo. Pagkatapos, nagtrabaho sa barko bilang navigator at na-promote bilang kapitan. Tumanggap ng parangal bilang “Veteran of Labor of the Soviet Union”
Napangasawa si Valentina noong 1969. Mayroon silang tatlong anak na lalaki. Si Valentina ang nagpakilala sa kaniya sa katotohanan noong mga 1990’s. Nang malaman niya ang layunin ng Diyos para sa lupa, nag-Bible study siya at gustong-gusto niya ito. Nabautismuhan si Vasiliy bilang Saksi ni Jehova noong 1996. Namatay ang asawa niya noong 2016
Kaso
Noong Marso 21, 2019, ni-raid ng mga pulis sa bayan ng Zeya ang bahay ni Brother Vasiliy Reznichenko. Kinuha nila ang kaniyang laptop, cellphone, at personal na mga dokumento. Mula noon, inilagay na siya sa listahan ng mga “ekstremista” at hindi pinayagang mag-withdraw sa bangko. Hindi rin siya puwedeng umalis sa lugar nila.
Patuloy na nagtitiwala si Vasiliy na tutulungan siya ni Jehova. Nananatili siyang kalmado dahil araw-araw niyang binabasa ang Bibliya at ang pang-araw-araw na teksto. Pinapasalamatan din niya ang pag-ibig na ipinapakita ng kaniyang Kristiyanong mga kapatid.
Sinabi niya: “Kinabukasan pagkatapos halughugin ng mga pulis ang bahay ko at pagtatanungin ako, dinalaw ako ng mga kapatid sa aming kongregasyon. Hinalughog din ang ilan sa [mga bahay nila]. Pagkaraan ng dalawang araw, dinalaw naman ako ng mga kapatid mula sa kalapit na mga lunsod. Sa ginawa nilang iyon, puwede rin silang hulihin. Talagang napatibay ako sa pagdalaw nila. Naiiyak pa rin ako kapag naaalala ko iyon.” Sinabi pa niya: “Pinatibay ng mga karanasang ito ang kaugnayan ko kay Jehova. Lalo akong naging malapít sa kaniya.”
Napatibay si Vasiliy ng mga salitang nasa Hebreo 13:5. Sinabi niya: “Patuloy akong magtitiwala sa pangako ni Jehova: ‘Hinding-hindi kita iiwan, at hinding-hindi kita pababayaan.’” Nagtitiwala tayong patuloy na tutulungan ni Jehova ang ating mga kapatid na pinag-uusig dahil sa kanilang pananampalataya.