Pumunta sa nilalaman

Si Brother Vitaliy Popov kasama ang asawa niyang si Natalya

MAYO 20, 2021
RUSSIA

Brother Vitaliy Popov, Posibleng Makulong Dahil sa Kaniyang Pananampalataya

Brother Vitaliy Popov, Posibleng Makulong Dahil sa Kaniyang Pananampalataya

UPDATE | Korte sa Russia, Ibinasura ang Ikalawang Apela ni Brother Vitaliy Popov

Noong Pebrero 16, 2022, ibinasura ng Eighth General Jurisdiction Court of Cassation ang ikalawang apela ni Brother Vitaliy Popov. Hindi siya kailangang mabilanggo sa ngayon.

Noong Hulyo 23, 2021, ibinasura ng Novosibirsk Regional Court ang apela ni Vitaliy at pinagtibay ang tatlong-taóng suspended prison sentence na hatol sa kaniya.

Noong Mayo 21, 2021, hinatulan ng Leninskiy District Court ng Novosibirsk si Vitaliy. Hinatulan siya ng korte ng tatlong-taon na suspended prison sentence.

Profile

Vitaliy Popov

  • Ipinanganak: 1967 (Novosibirsk)

  • Maikling Impormasyon: Nagtrabaho bilang isang electrician at welder. Naglingkod sa Soviet army. Mahilig mag-ski, maglaro ng soccer at volleyball, at kumanta. Pinalaki kasama ng dalawang kapatid na lalaki at dalawang kapatid na babae. Noong adulto na si Vitaliy, namatay ang kuya at ate niya. Kaya maraming tanong si Vitaliy tungkol sa kamatayan at sa hinaharap

    Nag-Bible study siya sa mga Saksi ni Jehova noong mga unang taon ng 1990’s. Nalaman niya kung bakit namamatay ang tao. Naantig din siyang makita ang pag-ibig, paggalang, at pagtutulungan ng mga Saksi. Nabautismuhan noong 1994. Napangasawa si Natalya noong 2011

Kaso

Noong Hunyo 27, 2019, sinampahan ng mga awtoridad ng kasong kriminal si Vitaliy. Noong Abril 9, 2020, pinuntahan siya ng mga pulis sa bahay at dinala para pagtatanungin. Tumagal nang mahigit apat na oras ang interogasyon.

Isinama ang pangalan ni Vitaliy sa listahan ng mga ekstremista. Dahil diyan, hindi niya magamit ang pera niya sa bangko. Pagkalipas ng dalawang buwan, sapilitang pinag-resign si Vitaliy sa trabaho, kaya nahirapan sa pinansiyal ang pamilya niya.

Patuloy na pinaglalaanan ni Jehova ang pamilya ni Vitaliy. “Inilaan niya ang lahat ng pangangailangan namin—espirituwal, materyal, at emosyonal,” ang sabi ni Vitaliy. “Nagpapasalamat kaming pamilya sa tulong ni Jehova na matiis ang lahat ng pagsubok at manatiling kalmado at masaya.”

Sinabi ni Vitaliy kung ano ang nakatulong sa kaniya para mapagtiisan ang mga pagsubok: “Dahil sa espirituwal na rutin ko, nagkaroon ako ng malapít na kaugnayan kay Jehova. Naging totoong-totoo siya sa akin. Nagtitiwala ako sa kaniya anuman ang mangyari.” Kasama sa espirituwal na rutin ni Vitaliy ang pampamilyang pagsamba, pagdalo at pakikibahagi sa mga pulong ng kongregasyon, regular na pakikibahagi sa ministeryo, at taos-pusong pananalangin. Sinabi niya: “Kung wala ang mga ito, hindi ako magkakaroon ng matibay na pagtitiwala kay Jehova at hindi ko mapagtatagumpayan ang mga pagsubok.”

Habang hinihintay natin ang resulta ng paglilitis kay Vitaliy, patuloy natin siyang isinasama sa ating panalangin. Alam nating patuloy na palalakasin ni Jehova, ‘ang nagbibigay ng kapangyarihan sa atin,’ ang lahat ng ating kapatid sa Russia na lakas-loob na nagtitiis ng pag-uusig.​—Filipos 4:13.