ENERO 21, 2021
RUSSIA
Brother Yevgeniy Golik, Hinatulan ng Suspended Prison Sentence
Hatol
Noong Enero 20, 2021, sinentensiyahan ng Birobidzhan District Court ng Jewish Autonomous Region si Brother Yevgeniy Golik. Hinatulan siya ng dalawa’t-kalahating-taóng suspended prison sentence. Hindi niya kailangang makulong ngayon. Magsusumite siya ng apela sa naging hatol sa kaniya.
Profile
Yevgeniy Golik
Ipinanganak: 1975 (Birobidzhan, Jewish Autonomous Region)
Maikling Impormasyon: Isang welder. Nagtatrabaho bilang operator ng boiler room. Naging sundalo ng Russia bago naging isang Saksi ni Jehova
Natutuhan ang katotohanan sa kaniyang nanay. Nasagot ang mga tanong niya tungkol sa layunin ng buhay. Natulungan din siya ng Bibliya na maging mas maibigin sa kapuwa
Kaso
Maagang-maaga noong Mayo 17, 2019, ni-raid ng 150 opisyal ng Federal Security Service (FSB) ang siyam na bahay ng mga Saksi sa Birobidzhan, isang siyudad sa silangan ng Russia. Ang operasyon na iyon ng FSB ay tinawag nilang “Araw ng Paghuhukom.” Sinampahan ng lokal na awtoridad ng kasong kriminal si Brother Yevgeniy Golik at ang 21 iba pang kapatid na mula sa Jewish Autonomous Region. Noong Enero 29, 2020, sinimulan ang paglilitis sa kaniya.
Nagsumite ang prosecutor ng mga ebidensiya, kasama na ang surveillance footage, o mga video, ni Yevgeniy na nag-aaral ng Bibliya at ng iba pang publikasyong base sa Bibliya.
Hindi madali na maging biktima ng matinding kawalang-katarungan. Pero sinabi ni Yevgeniy: “Nakatulong ang regular na pag-aaral ng Bibliya at pananalangin para mas magpokus ako kay Jehova at hindi sa sarili ko. Dahil lagi kong pinag-iisipan ang Salita ng Diyos, naging masaya ako at napakilos ako nito na sabihin din sa iba ang magagandang natutuhan ko sa Bibliya.”
Natulungan siya ng pagbubulay-bulay sa Awit 23:4. “Natulungan ako [ng tekstong iyon] na maging matapang at masaya habang nagtitiis,” ang sabi ni Yevgeniy. “Kahit na pagbantaan ang buhay natin, alam natin na laging nandiyan si Jehova para sa atin.”
Sinuportahan din si Yevgeniy ng mga kapananampalataya niya. “Noong magsimula ang paglilitis sa korte, pumunta roon ang mga kapatid at talagang napatibay ako noon,” ang sabi niya. “Noong panahon ding iyon, binigyan ako ni Jehova ng katulong, isang mabait na asawa. Hindi nawala ang kagalakan ko. Sagana ako sa pisikal at espirituwal na pagkain.”
Determinado si Yevgeniy na panatilihin ang matibay na kaugnayan niya kay Jehova. Para sa iba na hindi pa direktang dumaranas ng pag-uusig, ipinapayo niya: “Magsaulo ng mga [Kingdom] song, sanayin ang puso na mahalin ang iyong kaaway, at sikapin na maging masaya pa rin bilang lingkod ng Diyos anuman ang sitwasyon.”
Patuloy sana tayong matuto ng mahahalagang aral sa mga kapatid natin sa Russia. Kung pinapalakas sila ni Jehova sa panahon ng pagsubok, tiyak na papalakasin din niya tayo.—Awit 29:11.