Pumunta sa nilalaman

Si Brother Yevgeniy Yakku at ang asawa niya, si Irina

MAYO 17, 2021
RUSSIA

Brother Yevgeniy Yakku, Nagtitiwala kay Jehova Para sa Karunungan sa Panahon ng mga Paglilitis sa Korte

Brother Yevgeniy Yakku, Nagtitiwala kay Jehova Para sa Karunungan sa Panahon ng mga Paglilitis sa Korte

UPDATE | Hindi Tinanggap ng Korte sa Russia ang Apela

Noong Oktubre 1, 2021, hindi tinanggap ng Arkhangelsk Regional Court ang apela ni Brother Yakku. Hindi nagbago ang desisyon ng mababang hukuman.

Noong Hulyo 19, 2021, hinatulang nagkasala ng Solombalskiy District Court ng Arkhangelsk si Brother Yevgeniy Yakku at pinagmumulta ng 880,000 ruble ($12,082 U.S.). Hindi niya kailangang makulong sa ngayon.

Profile

Yevgeniy Yakku

  • Ipinanganak: 1980 (Sosnovets Village, Republic of Karelia)

  • Maikling Impormasyon: Noong tin-edyer siya, humanga siya sa katuparan ng mga hula sa Bibliya. Nabautismuhan bilang Saksi ni Jehova noong 2006. Lumipat sa Arkhangelsk para mag-aral sa isang business school. Napangasawa si Irina noong 2007. Mahilig silang magbiyahe at mamasyal

Kaso

Noong umaga ng Pebrero 18, 2019, ni-raid ng mga pulis ng Russia ang bahay ni Brother Yevgeniy Yakku at inaresto siya dahil umano sa pagiging “ekstremista.” Ikinulong ng mga pulis si Yevgeniy nang dalawang araw. Hindi sinabi ng mga pulis sa kaniyang mga kaibigan at pamilya kung saan siya dinala.

Nang palayain si Yevgeniy, hindi siya pinayagang lumabas ng bahay niya sa gabi, magkaroon ng anumang pagtitipon sa bahay niya, o makipag-usap sa iba sa pamamagitan ng telepono, e-mail, o Internet. Pagkalipas ng mga pitong buwan, inalis ng korte ang ilang pagbabawal sa kaniya at pinayagan na siyang umalis ng bahay sa gabi.

Noong Nobyembre 25, 2019, si Yevgeniy ay inakusahan ng pag-oorganisa ng “ekstremistang” gawain. Nang maglaon, dinagdagan pa ang kaso niya. Kung mahahatulan siyang nagkasala, puwede siyang makulong nang 15 taon. Dahil sa mga kasong ipinataw sa kaniya, nawalan ng trabaho si Yevgeniy, hindi siya makapag-withdraw ng pera sa bangko, at kinuha ng mga pulis ang dalawang kotse niya.

Sa mahirap na panahong ito, pinatibay nina Yevgeniy at Irina ang pagtitiwala nila kay Jehova. Sinabi ni Irina: “Kapag nakikita kong sinasagot ni Jehova ang aking mga panalangin at pinangangalagaan niya kami ni Zhenya [Yevgeniy], hindi ko mailarawan ang pasasalamat ko.”

Halimbawa, espesipikong ipinanalangin ni Irina kay Jehova na bigyan sana ni Jehova ang asawa niya ng mahinahong puso para maipaliwanag niya ang mga paniniwala niya sa panahon ng mga paglilitis. Iyon din ang dalangin ni Yevgeniy. Sinabi niya: “Tuwing kailangan kong magpunta sa investigative committee o sa mga pagdinig, humihingi ako ng karunungan kay Jehova.” Damang-dama niyang sinasagot ni Jehova ang mga panalangin niya. “Sinasabi ko ang kailangan kong sabihin pero hindi naman sobra.” Sinabi pa niya: “Ipinapakita ni Jehova sa akin na hindi niya ako kailanman pinababayaan at malinaw niyang sinasagot ang mga panalangin ko. Ngayon, talagang nakikita kong tinutulungan ako ni Jehova.”

Habang hinihintay natin ang desisyon, alam natin na patuloy na bibigyan ni Jehova si Yevgeniy ng lakas ng loob para maipagtanggol ang kaniyang kaso “nang mahinahon at may matinding paggalang.”—1 Pedro 3:15.