Pumunta sa nilalaman

Si Brother Yuriy Savelyev sa isang pansamantalang kulungan sa korte noong Agosto 26, 2020

DISYEMBRE 11, 2020
RUSSIA

Brother Yuriy Savelyev, Mahigit Dalawang Taon Nang Nakabilanggo, Posible Pang Mabilanggo Nang Hanggang Walong Taon

Brother Yuriy Savelyev, Mahigit Dalawang Taon Nang Nakabilanggo, Posible Pang Mabilanggo Nang Hanggang Walong Taon

Iskedyul ng Paghatol

Sa Disyembre 16, 2020, * ibababa ng Leninskiy District Court ng Novosibirsk ang hatol nito kay Brother Yuriy Savelyev. Hiniling ng prosecutor na masentensiyahan si Yuriy ng walong-taóng pagkabilanggo. Ito ang pinakamahabang sentensiyang maipapataw sa isa sa ating mga kapatid sa Russia mula nang magdesisyon ang Korte Suprema noong 2017.

Profile

Yuriy Savelyev

  • Ipinanganak: 1954 (Krokhalyovka, Novosibirsk Region)

  • Maikling Impormasyon: Sanggol pa lang siya nang mamatay ang nanay niya. Pinalaki siya ng ate niya. Nagtrabaho bilang tubero sa isang energy plant. Naging interesado sa relihiyon pagkamatay ng asawa niya. Nakita niya ang sagot sa mga tanong niya nang mag-aral siya ng Bibliya. Nabautismuhan noong 1996 bilang Saksi ni Jehova

Kaso

Noong Nobyembre 8, 2018, ni-raid ng mga pulis ang apartment niya at ang siyam pang bahay ng mga Saksi sa Novosibirsk Region. Idinitine si Yuriy at nakulong bago litisin.

Inakusahan si Yuriy ng pag-oorganisa ng gawain ng mga Saksi ni Jehova sa lunsod. Siyam na beses nang na-extend ang pagkakabilanggo sa kaniya kahit maraming beses na siyang umapela. Mahigit dalawang taon na siyang nasa bilangguan. Mula nang ibaba ng Korte Suprema ng Russia ang hatol laban sa mga Saksi noong 2017, sina Brother Dennis Christensen at Sergey Klimov lang ang mas matagal na nabilanggo kaysa kay Brother Savelyev.

Sa huling komento niya sa korte noong Miyerkules, Disyembre 9, 2020, lakas-loob na sinabi ni Yuriy sa judge: “Inakusahan ako hindi dahil gumawa ako ng krimen, kundi dahil sinusunod ko ang mga turo ng mga Saksi ni Jehova.

“Wala akong mga kaaway, at sa halos 67 taon ng buhay ko, ni minsan, hindi ako nakasuhan ng anumang krimen. Wala akong pinapanigan sa politika. Sa madaling salita, ayaw ko sa karahasan, sa salita man iyon, sa isip, o sa pisikal.

“Gusto kong irespeto ang lahat ng tao, anuman ang estado nila sa buhay, lahi, o relihiyon dahil sa mga natutuhan ko sa Diyos.

“Sinasabi rin ng Salita ng Diyos na dapat nating igalang ang mga nasa awtoridad. Sinasabi sa Roma 13:1-3: ‘Ang bawat tao ay dapat magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad dahil walang awtoridad na hindi nagmula sa Diyos; ang Diyos ang naglagay sa mga ito sa kani-kanilang posisyon. Kaya ang sinumang kumakalaban sa awtoridad ay kumakalaban sa kaayusan ng Diyos.’

“Hindi ako lumalaban sa awtoridad, kasi ayaw kong kalabanin ang Diyos. Katumbas iyan ng kamatayan. Dahil sa mga Saksi ni Jehova, nakilala ko ang tunay na Diyos at ang kaniyang anak, si Jesu-Kristo. Sa tulong nila, natutuhan kong espesyal na aklat ang Banal na Kasulatan, ang Bibliya. Nakakatulong ito sa lahat ng bahagi ng buhay natin.”

Napapatibay tayo sa pananampalataya ni Yuriy, at malinaw na makikita sa reaksiyon niya na patuloy siyang binibigyan ni Jehova ng kapayapaan ng isip.—Isaias 26:3.

^ Posible pang magbago.