Pumunta sa nilalaman

SETYEMBRE 23, 2020
RUSSIA

Brother Yuriy Zalipayev, Napapaharap sa Dalawang-Taóng Pagkabilanggo sa Russia

Brother Yuriy Zalipayev, Napapaharap sa Dalawang-Taóng Pagkabilanggo sa Russia

Iskedyul ng Paghatol

Sa Oktubre 7, 2020, * ibababa ng Mayskiy District Court ng Kabardino-Balkarian Republic ang hatol nito kay Brother Yuriy Zalipayev. Puwede siyang mabilanggo nang dalawang taon.

Profile

Yuriy Zalipayev

  • Ipinanganak: 1962 (Samara)

  • Maikling Impormasyon: Dating welder at truck driver. Mahilig sa tula at mag-hike

  • Noong 1983, napangasawa niya si Natalia, kaklase niya noong bata pa siya. Pagkatapos ng 10 taon, nag-aral sila ng Bibliya. May tatlo silang anak. Mga Saksi ni Jehova sila pati na ang ilang kamag-anak nila

Kaso

Noong Agosto 20, 2016, ni-raid ng mga pulis ang isang Kingdom Hall sa Mayskiy at naglagay roon ng mga publikasyon natin na ipinagbabawal at itinuturing ng gobyerno na “ekstremista.” Kahit na may video ang mga kapatid na nagpapatunay na inilagay ng mga pulis ang mga literatura sa Kingdom Hall, pinagmulta pa rin sila ng korte ng 200,000 ruble ($2,634 U.S.) dahil sa paglabag daw na ito. Pagkalipas ng ilang buwan, kinasuhan si Brother Zalipayev dahil sa insidenteng ito.

Inakusahan ng prosecutor si Brother Zalipayev na namamahagi ng ipinagbabawal na literatura at kinukumbinsi nito ang iba pang Saksi ni Jehova na labanan ang mga miyembro ng ibang relihiyon. Labag ito sa batas at itinuturing na “paghikayat sa iba na makibahagi sa ekstremistang gawain” (Article 280, bahagi 1 ng Criminal Code ng Russia).

Noong Hunyo 21, 2020, nagsimula ang paglilitis. Sa paglilitis, madalas na magkakasalungat ang sinasabi ng mga saksi sa panig ng prosecutor o na wala itong basehan. Halimbawa, habang nagpapatuloy ang paglilitis, ang ilang saksi ng prosecutor na nagsasabing narinig nila si Brother Zalipayev na nangungumbinsi ng karahasan ay wala sa mismong insidenteng inaakusa nila sa kaniya. Bukod diyan, sinasabi rin nila na inilagay ng mga pulis sa Kingdom Hall ang mga ipinagbabawal na literatura.

Habang naghihintay ng hatol si Brother Zalipayev, ipinapanalangin natin na mapatibay siya, at ang pamilya niya, ng mga salita ni David: “Si Jehova ang aking lakas at aking kalasag; sa kaniya nagtitiwala ang puso ko. Tinulungan niya ako, at nagsasaya ang puso ko.”—Awit 28:7.

^ Posible pang magbago