Pumunta sa nilalaman

Si Brother Yuriy Zalipayev habang nagsasalita sa korte

OKTUBRE 7, 2020
RUSSIA

Brother Yuriy Zalipayev, Napatunayang Walang Sala ng Korte sa Russia!

Brother Yuriy Zalipayev, Napatunayang Walang Sala ng Korte sa Russia!

Noong Oktubre 7, 2020, ang Mayskiy District Court ng Kabardino-Balkarian Republic ay nagbaba ng desisyon sa kaso ni Brother Yuriy Zalipayev. Walang sala ang hatol ng korte sa kaniya at ibinasura nito ang lahat ng isinampang kaso sa kaniya. May 10 araw ang prosecutor para magsumite ng apela.

Sinabi ng prosecutor na may sala si Brother Zalipayev dahil inuudyukan niya ang iba na maging marahas. Pero nagbigay ng testimonya ang mahigit 30 katao na hindi totoo iyon, dahil imbes na udyukan ang mga tao na maging marahas, inuudyukan sila ni Brother Zalipayev na magbasa ng Bibliya at maging mapagmalasakit at mabait sa lahat ng tao.

Ang hatol ng korte na “walang sala” ay batay rin sa mga desisyon kamakailan ng UN Working Group on Arbitrary Detention, na hindi nagsasagawa o nag-uudyok ng karahasan sa anumang paraan ang mga Saksi ni Jehova.

Pagkatapos ibaba ang hatol, sinabi ni Brother Zalipayev: “Handa ang pamilya ko at mga kaibigan sa hindi magandang kalalabasan ng kaso ko. Salamat kay Jehova, dahil napanatag ako sa panahon ng pagdinig. Napakasaya ko at talagang nagpapasalamat ako sa lahat ng nagtanggol sa akin na inosente ako.”