SETYEMBRE 3, 2020
RUSSIA
Dalawang Brother at Dalawang Sister ang Hinatulan Dahil sa Pananampalataya Nila
Hatol
Noong Setyembre 3, 2020, hinatulan ng Novozybkov Town Court ng Bryansk Region sina Brother Vladimir Khokhlov at Eduard Zhinzhikov, pati na sina Sister Tatyana Shamsheva at Olga Silaeva. Sinentensiyahan silang mabilanggo nang mula isang taon hanggang isang taon at tatlong buwan. Pero dahil nabilanggo na sila sa naging sentensiya sa kanila bago pa man sila litisin, pinalaya na sila.
Profile
Vladimir Khokhlov
Ipinanganak: 1977 (Novozybkov, Bryansk Region)
Maikling Impormasyon: Isang mekaniko. Dating sundalo bago naging Saksi ni Jehova. Mahilig mag-soccer, magbasa, mangisda, at maggitara
Inanyayahan siya ng kaibigan niya na mag-aral ng Bibliya. Napangasawa niya si Olga noong 2007, at naging anak nila si Anastasia. Lahat sila ay mga Saksi ni Jehova
Tatyana Shamsheva
Ipinanganak: 1977 (Cherepovets, Vologda Region)
Maikling Impormasyon: Isang ekonomista. Maraming taon siyang nagturo ng economics, law, at accounting. Nabautismuhan noong 1995. Masayang nagtuturo sa iba ng mga payo sa Bibliya
Olga Silaeva
Ipinanganak: 1988 (Davydovo, Moscow Region)
Maikling Impormasyon: Bunso sa tatlong magkakapatid. Nagtapos sa isang technical school ng thermal engineering. Mahilig manahi. Mahilig ding magbasa at mag-volleyball. Tinularan niya ang nanay niya kaya nag-aral siya ng Bibliya at tinanggap ang mga turo nito
Eduard Zhinzhikov
Ipinanganak: 1971 (Zadnya, Bryansk Region)
Maikling Impormasyon: Dating welder at janitor, at nagtrabaho sa mga pulis. Naging miyembro siya ng isang banda. Noong 1993, napangasawa niya ang kasama niya sa banda na si Tatyana. Mahilig sumulat ng tula at maggitara
Bago ang taóng 2000, nag-aral siya ng Bibliya para mahanap ang mga tanong niya sa buhay. Dahil dito, naalis ang masasama niyang bisyo at naging maganda ang buhay ng pamilya niya. Natuwa sa kaniya si Tatyana kaya naging Saksi rin siya
Kaso
Noong Hunyo 11, 2019, ni-raid ng mga pulis ang 22 bahay ng mga Saksi sa Bryansk Region ng Russia. Inaresto sina Sister Tatyana Shamsheva at Olga Silaeva. Bawat isa sa kanila ay ibinilanggo nang 245 araw bago pa man sila litisin. Pinalaya sila noong Mayo 2020 at nakauwi sila habang naghihintay ng paglilitis.
Noong Oktubre 16, 2019, nagsampa ng kaso ang mga pulis laban kina Brother Vladimir Khokhlov at Eduard Zhinzhikov. Isinama ang kaso nila sa kaso nina Sister Shamsheva at Sister Silaeva. Pagkatapos ng pitong araw, ikinulong ang mga brother bago pa man sila litisin at nakakulong pa rin sila hanggang ngayon.
Sa 2020 Ikalimang Update ng Lupong Tagapamahala, ininterbyu ang mga sister na ito. Dahil sa walong-buwang pagkakakulong bago pa man litisin, sinabi ni Sister Silaeva na kumbinsido siya na “kahit gaano pa kahirap ang sitwasyon, laging ibibigay ni Jehova ang banal na espiritu na kailangan mo para makayanan ’yon.” Sinabi naman ni Sister Shamsheva: “Laging malapit si Jehova sa atin, lagi niya tayong sinusuportahan, pinapatibay, at tinutulungan.”
Nagtitiwala tayo na tutulungan ni Jehova ang mga kapatid sa Russia na posibleng makulong o nakakulong na para matiis ang mga pagsubok nang may kagalakan at kapayapaan.—1 Corinto 10:13.