SETYEMBRE 1, 2021
RUSSIA
Dalawang Nakakulong na Brother sa Russia na May Malubhang Sakit, Pinalaya Dahil sa Kahilingan ng ECHR
Noong Agosto 28, 2021, pinalaya sina Brother Aleksandr Lubin at Anatoliy Isakov mula sa pretrial detention dahil sa kahilingan ng European Court of Human Rights (ECHR) sa mga awtoridad ng Russia. Kahit na may kapansanan ang dalawang brother, idinitine sila sa Kurgan Region ng Russia nang isa at kalahating buwan. Posible pa rin silang makulong depende sa desisyon ng korte sa kaso nila.
Noong Hulyo 13 at 14, 2021, ni-raid ng mga pulis sa Kurgan Region ang mga bahay ng mga Saksi ni Jehova. Kabilang sa mga idinitine si Brother Isakov, 56 taong gulang, at si Brother Lubin, 65 taong gulang.
Si Brother Lubin ay may malubhang sakit sa mga ugat, alta presyon, at autoimmune disease na nakakaapekto sa mga organ niya. Kailangan niya ng humidified oxygen nang 16 na oras araw-araw at ng mga paggamot, pero ipinagkait ito sa kaniya. Hiráp siyang maglakad at kailangan niya ng tulong para makatayo. May kapansanan din ang asawa niyang si Tatyana at apat na beses nang na-stroke.
Si Brother Isakov ay may kanser sa dugo at may baling mga buto sa likod at sa mga tadyang, kaya kailangan niyang mag-wheelchair. Nahinto ang pagpapa-chemotherapy niya dahil nakakulong siya. Hindi rin siya binigyan ng gamot para sa nararamdaman niyang sakit. Nagkasakit din si Brother Isakov ng COVID-19 sa pretrial detention center.
Sa loob ng ilang linggo, umapela sa korte ang mga abogado para palayain ang dalawang brother, pero tumanggi ang korte. Ibinatay ng mga hukom ang kanilang desisyon sa sertipiko ng mga doktor sa Kurgan Regional Clinical Hospital na nagsasabing walang malubhang sakit sina Brother Lubin at Isakov kaya puwede silang ikulong.
Noong Agosto 8, 2021, nagpadala ng mga reklamo ang mga abogado sa ECHR. Pagkatapos, gumawa naman ng kahilingan ang ECHR sa General Prosecutor’s Office of the Russian Federation. Noong Agosto 24, 2021, pinabalik ang dalawang brother sa Kurgan Regional Clinical Hospital. Sinabi ngayon ng mga doktor na may malubhang sakit sina Brother Lubin at Isakov kaya hindi sila dapat makulong.
Ipinapanalangin natin ang dalawang brother na ito na nananatiling tapat kahit na pinag-uusig sila at may sakit. Alam natin na patuloy na ‘ipapakita ni Jehova ang kaniyang lakas’ alang-alang sa kanila.—2 Cronica 16:9.