PEBRERO 17, 2021
RUSSIA
Dalawang Sister sa Russia, Mahahatulan Matapos ang Halos Isang-Taóng Pagkakulong at House Arrest
UPDATE | Hindi Tinanggap ng Korte sa Russia ang Apela
Noong Setyembre 15, 2021, hindi tinanggap ng Smolensk Regional Court ang mga apela nina Sister Sorokina at Troshina. Mananatili ang orihinal na sentensiya sa kanila. Hindi nila kailangang makulong sa ngayon.
Noong Abril 22, 2021, hinatulang nagkasala ng Sychyovskiy District Court ng Smolensk Region sina Sister Nataliya Sorokina at Mariya Troshina at pinatawan ng anim-na-taóng suspended prison sentence.
Profile
Nataliya Sorokina
Ipinanganak: 1975 (Dresden, Germany)
Maikling Impormasyon: Mula sa Germany, lumipat siya sa Saint Petersburg at pagkatapos ay sa Sychyovka sa Smolensk Region. Nagtatrabaho bilang nurse. Mahilig sa paggawa ng mga handicraft at mag-aral ng iba’t ibang wika para marami siyang makausap sa ministeryo. Nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Humanga sa natutuhan niya tungkol sa paglalang at sa pag-asa sa hinaharap. Ito ang nagpakilos sa kaniya na maging palaisip sa Diyos. Nabautismuhan noong Agosto 1994
Mariya Troshina
Ipinanganak: 1977 (Saint Petersburg)
Maikling Impormasyon: Bata pa lang, mahilig na sa kasaysayan. Nagtrabaho bilang tour guide. Mahilig mag-aral ng iba’t ibang wika para mas marami siyang makausap sa ministeryo
Nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Hanga sa pagiging tumpak ng Bibliya pagdating sa kasaysayan at siyensiya. Inialay ang buhay niya sa Diyos na Jehova noong Hulyo 1991. Ang nanay niya na namatay na ay nag-aral din ng Bibliya at naging Saksi ni Jehova
Kaso
Noong Oktubre 7, 2018, ni-raid ng mga pulis at ng mga opisyal ng Federal Security Service (FSB) ang apat na bahay sa Sychyovka. Kinumpiska ng mga opisyal ng FSB ang personal na mga gamit ng 17 kapatid natin, na ang ilan ay menor-de-edad. Inaresto sina Sister Nataliya Sorokina at Sister Mariya Troshina at ikinulong sa isang pasilidad.
Sinabi ni Mariya na nakatulong sa kaniya ang pagbabasa sa mga karanasan ng ibang Saksi na inaresto dahil sa pananampalataya nila para maging handa siya noong halughugin ang bahay niya. Sinabi niya: “Kalmado lang ako noong halughugin ang bahay namin at arestuhin ako. Hindi ko nga akalain na ganoon ang magiging reaksiyon ko. Alam kong tinulungan ako ng banal na espiritu ng Diyos.”
Dalawang araw pagkatapos ng raid, ipinag-utos ng Leninskiy District Court ng lunsod ng Smolensk na ikulong ang mga sister natin kahit hindi pa nalilitis. Nakulong sila sa loob ng 191 araw. Pagkatapos, mahigit anim na buwan silang na-house arrest.
Sinabi ng dalawang sister na malaking tulong na mayroon na silang malapít na kaugnayan kay Jehova bago pa sila dumanas ng pagsubok. Sinabi ni Nataliya na napakahalaga na tularan ang pananaw ni Jehova sa ganoong mga sitwasyon. Sinabi rin niya na mahalagang tandaan kung kanino galing ang mga pag-uusig. “Noon pa man, si Satanas na ang nasa likod ng pag-uusig sa mga lingkod ng Diyos, at kayang patunayan ng bawat isa sa atin na puwede tayong maging tapat sa Diyos,” ang sabi niya.
Sinabi pa ni Mariya: “Mapapalapít tayo kay Jehova kung makikita natin kung paano niya tayo tinutulungan at inaalagaan araw-araw. Dapat na matutuhan nating magtiwala sa kaniya sa lahat ng bagay. Sikapin nating basahin ang Bibliya araw-araw, unawain ang sunod-sunod na mga pangyayari sa Bibliya, at sauluhin ang paborito nating mga teksto.”
Ang katapatan at pagtitiis ng mga kapatid nating ito ay magandang halimbawa para sa atin dahil patuloy silang ‘nagtitiwala kay Jehova, ang kanilang katulong at kalasag.’—Awit 115:11.