MAYO 25, 2022
RUSSIA
Dennis Christensen—Pinalaya at Dineport
Ligtas na nakarating si Dennis Christensen sa Denmark noong Mayo 25, 2022. Pinalaya siya isang araw bago nito mula sa bilangguan sa Russia at agad na idineport. Limang taon siyang nasa iba’t ibang bilangguan.
“Masaya akong mapalaya at muling makasama ang mahal kong asawa, si Irina,” ang sabi ni Dennis. “Regalo mula kay Jehova ang suporta at pampatibay ng mga kapatid sa buong daigdig. Patuloy kong ipinapanalangin ang matatapang kong mga kapatid na pinag-uusig at ibinibilanggo dahil sa kanilang pananampalataya.”
Sinusuportahan ng mga kaibigan at kapamilya sina Dennis at Irina sa espirituwal at materyal. Sinabi nila, “Umaasa kami na malaya naming masasamba si Jehova kasama ng ating mga kapatid sa Denmark.”
Inaresto at ikinulong si Dennis noong Mayo 25, 2017, nang ni-raid ng armado at naka-mask na mga awtoridad ng Russia ang isang pagpupulong ng kongregasyon sa Oryol. Pagkatapos, hinatulan siyang may-sala ng korte dahil sa pag-oorganisa ng isang ekstremistang relihiyosong organisasyon na ipinagbabawal ng Korte Suprema ng Russia isang buwan lang bago nito.
Paulit-ulit na inaangkin ng mga awtoridad ng Russia na ang pagbabawal noong 2017 ay para lang sa legal na korporasyon ng mga Saksi ni Jehova. Sinasabi nilang hindi nila hahadlangan ang karapatan ng indibidwal na Saksi na sumamba. Ang pagkulong kay Dennis ang pasimula ng matinding kampanya para arestuhin at ikulong ang maraming Saksi ni Jehova sa buong Russia at Crimea.
Sa ngayon, 91 pa rin ang mga kapatid ang nakakulong. Dalangin natin na patuloy na susuportahan ni Jehova ang tapat na mga kapatid na ito at papakitunguhan sila nang “espesyal.”—Awit 4:3.