Pumunta sa nilalaman

MAYO 25, 2020
RUSSIA

Dennis Christensen, Tatlong Taon Nang Nakabilanggo sa Russia, Pero Nananatiling Tapat at Masaya

Dennis Christensen, Tatlong Taon Nang Nakabilanggo sa Russia, Pero Nananatiling Tapat at Masaya

Sa ngayon, tatlong taon nang nagtitiis si Brother Dennis Christensen ng di-makatarungang pagkakabilanggo sa Russia. Mula nang maaresto siya noong Mayo 25, 2017, tinanong ng ilang kapatid si Brother Christensen kung paano nito naapektuhan ang pananampalataya niya. Ganoon pa rin ang sagot niya: “Mas tumibay ang pananampalataya ko.”

Sinabi ni Brother Christensen: “Naging totoo sa akin ang Santiago kabanata 1, talata 2 at 3: ‘Mga kapatid ko, ituring ninyong malaking kagalakan kapag dumaranas kayo ng iba’t ibang pagsubok, dahil alam ninyo na kapag nasubok sa ganitong paraan ang pananampalataya ninyo, magbubunga ito ng pagtitiis.’”

Talagang tumibay pananampalataya ni Brother Christensen at naging mas masaya siya kahit mahirap ang pinagdadaanan niya.

Pagkatapos niyang maaresto, ibinilanggo agad si Brother Christensen sa Oryol, di-kalayuan sa bahay niya, kahit hindi pa nalilitis. Nang maglaon, pinayagan siya na madalaw ng asawa niyang si Irina. Mahigit dalawang taóng nakabilanggo si Brother Christensen bago siya nilitis. Noong Pebrero 2019, nahatulan si Brother Christensen na mabilanggo nang anim na taon. Pagkatapos ng tatlong buwan, hindi pinagbigyan ang apela niya. Pagkatapos, inilipat siya sa isang bilangguan na mga 200 kilometro ang layo mula sa Oryol, kaya lalo pa siyang napalayo kay Irina.

Halos isang taon na ngayon, nag-aplay ng petisyon si Brother Christensen para maagang mapalaya. Tatlo sa apat niyang petisyon ang hindi pinagbigyan. Pero kahit ganoon ang nangyari, nananatili pa ring matatag si Brother Christensen.

Mapagpakumbabang sinabi ni Brother Christensen: “Hindi kami perpekto ni Irina, pero natutuhan naming magtiis at manatiling masaya kahit may pagsubok. At ang pinakamahalaga, lalo kaming napalapít kay Jehova, ang ating Diyos at Ama.”

Nananalangin tayo at talagang nagtitiwala na patuloy na tutulungan ni Jehova ang mahal nating mga kapatid sa Russia na matiis ang pag-uusig nang may kagalakan.—Mateo 5:11, 12.