ENERO 31, 2020
RUSSIA
Hahatulan ng Dalawang Korte sa Russia Sina Brother Stanislav Kim at Brother Nikolay Polevodov, Inaasahan ang Unang Hatol sa Pebrero 4, 2020
Sa Pebrero 4, 2020, inaasahang ibababa ng Zheleznodorozhniy Court ng Khabarovsk, isang lunsod sa Russia, ang hatol nito kina Brother Stanislav Kim at Brother Nikolay Polevodov. Hiniling ng prosecutor sa korte na hatulan silang mabilanggo nang tatlong taon sa isang general regime colony. Bukod diyan, may isa pang kasong kriminal laban sa kanila na dinidinig naman ng Industrial District Court na nasa lunsod ding iyon.
Inaresto sina Brother Kim at Brother Polevodov noong Nobyembre 10, 2018. Noong araw na iyon, mahigit 50 kapatid mula sa Khabarovsk ang nasa isang café para sa isang salusalo. Pero hindi ito isang relihiyosong pagtitipon. Nang magsimula ang salusalo, pinasok ng maraming pulis at imbestigador ang café at inaresto ang mga nandoon. Sina Brother Kim at Brother Polevodov, pati na si Brother Vitaliy Zhuk, ay ikinulong nang mahigit dalawang buwan bago pa man litisin at ipina-house arrest nang ilan pang buwan.
Ang hatol sa Pebrero 4 ay para sa kasong kriminal laban kina Brother Kim at Brother Polevodov, na kinasuhan dahil sa pakikibahagi sa pagtitipon. Pero may isa pang kasong kriminal na isinampa laban kina Brother Kim, Brother Polevodov, at Brother Zhuk, pati na sa tatlong sister na dumalo sa pagtitipon. Sa kasong ito, inakusahan sina Brother Kim at Brother Polevodov ng pag-oorganisa ng pagtitipon. Wala pang petsa para sa paglalabas ng hatol sa kasong ito.
Kakaiba ang sitwasyong ito nina Brother Kim at Brother Polevodov dahil dalawang magkaibang kaso ang magkasabay na isinampa laban sa kanila. Dahil pinaghiwalay ng mga imbestigador ang dalawang kaso, kailangan nilang humarap sa magkaibang regional court sa Khabarovsk.
Ang dalawang kapatid na ito ay parehong may asawa at mga anak na kasama sa bahay. Alam nating bibigyan ni Jehova ang mga kapatid na ito at ang kanilang pamilya ng banal na espiritu na magbabantay sa kanilang puso at isip para makapanatili silang tapat sa ilalim ng pagsubok na ito.—Filipos 4:7.