Pumunta sa nilalaman

Ang namatay na si Brother Igor Avramenko, kasama ang asawa niyang si Yelena

MARSO 30, 2020
RUSSIA

Hinalughog ng FSB ang Bahay ng Isang Namatay na Brother sa Russia

Hinalughog ng FSB ang Bahay ng Isang Namatay na Brother sa Russia

Noong Marso 23, 2020, sa Khabarovsk Territory sa Russia, hinalughog ng mga agent ng Federal Security Services (FSB) ang bahay ni Brother Igor Avramenko, anim na araw pagkamatay niya dahil sa atake sa puso. Para kay Brother Avramenko ang search warrant, pero kinumpiska nila ang computer, camera, at iba pang gamit ng asawa niyang si Yelena.

Bago nito, sinundo ng mga pulis si Sister Avramenko sa pinagtatrabahuhan niya pauwi sa bahay niya, kung saan naghihintay ang imbestigador na si Stanislav Grebenkin. Dala ng imbestigador ang search warrant. Sinabi ni Sister Avramenko sa kaniya na namatay na si Brother Avramenko. Alam ito ng imbestigador, pero sinabi niyang kailangan pa ring ituloy ang raid dahil nailabas na ang warrant bago pa malaman ng mga awtoridad na namatay na si Brother Avramenko.

Tiniyak ng imbestigador kay Sister Avramenko na mabilisan lang ang inspeksiyong gagawin nila, para lang “maisara na ang kaso at maipasa ito sa [FSB] archive.” Pero hinalughog nila ang bahay niya.

Sa Khabarovsk Territory, 10 Saksi ang sinampahan ng kasong kriminal. Kahit na paulit-ulit na sinisikap ng mga awtoridad na sirain ang pananampalataya ng mga kapatid natin sa Russia, alam nating ‘magkakaroon sila ng lakas kung mananatili silang panatag at magtitiwala’ sa ating mapagmahal na Ama, si Jehova.​—Isaias 30:15.