DISYEMBRE 18, 2020
RUSSIA
Hinatulan ng Korte sa Russia Sina Brother Nikolay Kuzichkin at Vyacheslav Popov
Hatol
Noong Disyembre 18, 2020, hinatulan ng Khostinskiy District Court ng Sochi sina Brother Nikolay Kuzichkin at Vyacheslav Popov. Sinentensiyahan ng korte si Brother Nikolay na mabilanggo nang isang taon at isang buwan; isang taon at 10 buwan naman ang kay Brother Vyacheslav. Pero dahil nakakulong na sila bago pa litisin, masasabing natapos na nila ang sentensiya sa kanila. Papalayain si Brother Vyacheslav kapag nagkabisa na ang hatol. Napalaya na si Brother Nikolay mula sa pagkaka-house arrest.
Profile
Nikolay Kuzichkin
Ipinanganak: 1951 (Kostroma Region)
Maikling Impormasyon: Naging piano tuner pagkatapos mag-aral sa isang music school. Sila ng asawa niyang si Olga ay may tatlong anak na lalaki. Isa rin siyang beekeeper
Nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova noong mga unang taon ng 1990’s. Dahil nakita niyang natutupad ang mga hula ng Bibliya, nag-alay at nagpabautismo siya noong 1993
Vyacheslav Popov
Ipinanganak: 1974 (Tomsk)
Maikling Impormasyon: Bata pa lang, artist na, kaya naging interior designer siya. Noong nasa college siya, nakilala niya si Yuliya. Ikinasal sila noong 1998; tatlo ang naging anak nila, isang babae at dalawang lalaki. Lumipat sa Sochi noong 2010. Mahilig silang mag-ski at mamasyal sa tabing-dagat
Si Yuliya ang unang nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Nakatulong naman kay Vyacheslav ang Bibliya noong mamatay ang tatay niya. Nabautismuhan siya noong 2004
Kaso
Noong gabi ng Oktubre 10, 2019, ni-raid ng mga grupo ng mga armadong officer mula sa secret service, na ang ilan ay may kasama pang mga aso, ang 36 na bahay ng mga Saksi ni Jehova sa Sochi, Russia.
Pinadapa sa sahig ang mga bata at matanda habang hinahalughog ang bahay nila. Kinuha ang kanilang mga cellphone, tablet, computer, aklat, notebook, at pati mga postcard. May mga pagkakataon pa nga na naglagay ang mga officer ng ipinagbabawal na literatura sa mga bahay nila. Kaya naaresto sina Brother Nikolay Kuzichkin at Vyacheslav Popov. Kinabukasan, pareho silang ikinulong kahit hindi pa nalilitis.
May mga iniindang sakit si Brother Kuzichkin. Hindi pinagbigyan ng mga opisyal ng korte ang paulit-ulit niyang hiling na makapagpagamot dahil ang kondisyon niya ay wala raw sa “listahan ng mga sakit na puwedeng maging dahilan para hindi makulong.” Lalo pang lumala ang kalagayan niya nang ilagay siya sa isang selda na siksikan at may mga naninigarilyo pa.
Sa kabila nito, sinabi ni Nikolay: “Parang X-ray ang bilangguan. Ipapakita nito kung may magagandang katangian ang isang Kristiyano o wala.” Sa halip na magpokus sa sitwasyon niya, tinulungan ni Nikolay ang ibang bilanggo na nadedepres at nag-iisip magpakamatay, kaya nakilala siyang mahinahon at mabait.
Noong Abril 22, 2020, pagkatapos ma-extend nang anim na beses ang pagkakakulong niya, inilipat si Nikolay sa house arrest. Hinang-hina siya at halos hindi makatayo. Kaya pinayagan na siyang makapagpagamot.
Na-extend naman nang 14 na beses ang pagkakakulong kay Vyacheslav, kaya mahigit isang taon niyang hindi nakasama ang pamilya niya.
Natutuwa tayo na naging matatag at nanindigan para kay Jehova sina Nikolay at Vyacheslav. Napakagandang halimbawa nila. Totoong-totoo sa kanila ang Awit 16:8: “Laging nasa isip ko si Jehova. Dahil nasa kanan ko siya, hindi ako matitinag.”