NOBYEMBRE 17, 2020
RUSSIA
Ibinasura ng Korte sa Russia ang Apela ng Tatlong Saksi
UPDATE | Pinawalang-sala ng Korte ng Russia ang Tatlong Saksi
Noong Enero 18, 2022, pinagtibay ng Kamchatka Territory Court ang ikalawang apela ni Brother Konstantin Bazhenov, ng kaniyang asawang si Snezhana, at ni Sister Vera Zolotova. Agad silang pinawalang-sala sa lahat ng paratang sa kanila. Puwede na nilang hingin ang danyos na nararapat sa kanila dahil sa di-matuwid na hatol sa kanila. Hindi pa alam kung iaapela ng prosecutor ang desisyon.
Noong Nobyembre 17, 2020, ibinasura ng Kamchatka Territory Court ang apela ni Brother Konstantin Bazhenov at ng asawa niyang si Snezhana, pati na ni Sister Vera Zolotova. Kaya ipapatupad na ang naging hatol sa kanila na dalawang-taóng probation. Sa ngayon, hindi nila kailangang mabilanggo. Nananatili silang matatag at masaya.
Sa pagtatapos ng naunang pagdinig noong Setyembre 25, 2020, lakas-loob na sinabi ni Brother Bazhenov sa hukom na hindi siya natatakot sa magiging hatol sa kaniya. Sinabi rin niya na isang karangalan na maging bahagi ng katuparan ng Juan 15:20, kung saan inihula ni Jesus na pag-uusigin ang mga alagad niya.
Sinabi pa ni Brother Bazhenov sa korte na sa Mateo 28:19, 20, inutusan ni Jesus ang mga alagad niya na mangaral. Pagkatapos, buong-tapang na itinanong ni Brother Bazhenov: “Sino ang may karapatang pigilan o ipagbawal ang utos ni Kristo?” At saka niya sinabi: “Hindi ako mananahimik. . . . Patuloy kong ipapangaral ang mabuting balita na nasa Bibliya.”