NOBYEMBRE 11, 2019
RUSSIA
Ibinilanggo ng Korte sa Russia si Brother Klimov Nang Anim na Taon—Pinakamatinding Sentensiya Mula Noong 2017
UPDATE | Court of Cassation sa Russia, Ibinasura ang Apela
Noong Enero 27, 2022, ibinasura ng Eighth General Jurisdiction Court of Cassation ang apela ni Brother Sergey Klimov. Nakabilanggo pa rin siya.
Noong Nobyembre 5, 2019, sinentensiyahan ng Oktyabrsky District Court sa Tomsk si Brother Sergey Klimov ng anim-na-taóng pagkabilanggo. Bukod sa kaniya, si Dennis Christensen pa lang ang kapatid sa Russia na nakatanggap ng ganito kahabang sentensiya. Pero sa kaso ni Brother Klimov, nagbigay ang korte ng ilang dagdag na restriksiyon, kaya ito ang pinakamatinding sentensiya mula noong ipagbawal ng Korte Suprema ang mga Saksi ni Jehova noong 2017.
Inaresto si Brother Klimov noong Hunyo 3, 2018, matapos pasukin ng mga pulis at sundalo ang dalawang bahay ng mga Saksi ni Jehova. Mga 30 kapatid, kasama na ang isang 83-anyos na sister, ang inaresto para sa interogasyon. Lahat ay pinalaya maliban kay Brother Klimov. Sinampahan siya ng kasong kriminal, at iniutos ng isang korte na ibilanggo siya nang dalawang buwan kahit hindi pa nalilitis. Bago niya matanggap ang sentensiyang anim-na-taóng pagkabilanggo, nakakulong na siya nang isang taon at limang buwan habang hinihintay ang paglilitis sa kaniya. Sa mga panahong iyon, hindi niya nakasama ang asawa’t pamilya niya.
Iaapela ng mga abogado ang sentensiya kay Brother Klimov. Naipasa na rin noong Agosto 20, 2018 reklamong Klimov v. Russia sa European Court of Human Rights tungkol sa pagbibilanggo sa kaniya nang wala pang paglilitis.
Nitong 2019, nakita natin ang pagdami ng raid, pag-aresto, at pagbilanggo sa Russia. Pero tapat at may lakas ng loob pa rin ang mga kapatid natin. Napapatibay tayo sa mga patunay na pinagpapala ni Jehova ang ating mga kapatid na buo ang pagtitiwala sa kaniya.—Awit 56:1-5, 9.