Pumunta sa nilalaman

Si Brother Dmitriy Mikhaylov sa isang interbyu kamakailan. Inaresto siya ng mga awtoridad sa Russia noong Mayo 29, 2018, at nakulong nang 171 araw

HUNYO 18, 2019
RUSSIA

Ilegal ang Pagbilanggo ng Russia kay Brother Mikhaylov Ayon sa Isang Panel ng mga Eksperto ng UN

Ilegal ang Pagbilanggo ng Russia kay Brother Mikhaylov Ayon sa Isang Panel ng mga Eksperto ng UN

Ayon sa isang panel ng mga eksperto sa batas ng United Nations (UN), ang pag-aresto at pagbilanggo ng Russia kay Brother Dmitriy Mikhaylov ay maituturing na “pagtatangi dahil sa relihiyon” at paglabag sa internasyonal na batas. Hinimok din nila ang Russia na iurong ang mga kasong kriminal na isinampa laban sa kaniya.

Ayon sa 12-pahinang opinyon ng panel, ang Working Group on Arbitrary Detention (WGAD), lahat ng ginagawa ni Brother Mikhaylov ay “mapayapa.” Isa pa, “walang ebidensiya na siya o ang mga Saksi ni Jehova sa Russian Federation ay naging marahas o nanulsol sa iba na maging marahas.”

Sinabi ng WGAD na ginamit lang ni Brother Mikhaylov ang “karapatan niyang sumamba” at “hindi siya dapat arestuhin at ilagay sa pretrial detention.” Kaya may karapatan siyang tumanggap ng bayad-pinsala dahil hindi siya nakapagtrabaho habang nakakulong at ikinulong siya nang hindi pa napapatunayang nagkasala siya.

Sinabi rin ng WGAD na hindi lang si Brother Mikhaylov ang nakakaranas ng kawalang-katarungan dahil sa pananampalataya. Siya ay “isa lang sa parami nang paraming mga Saksi ni Jehova sa Russian Federation na inaresto, ibinilanggo, at sinampahan ng kasong kriminal dahil lang sa mga gawain nila sa pagsamba na karapatan naman nila”—isang karapatang ginagarantiyahan ng internasyonal na batas. Kaya para tuligsain ang tumitinding pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova sa Russia, tuwirang binanggit ng WGAD na ang sinabi nila ay hindi lang para sa di-makatarungang pagbilanggo kay Brother Mikhaylov, kundi para sa lahat ng Saksi ni Jehova na “kapareho ng sitwasyon ni Mr. Mikhaylov.”

Si Brother Mikhaylov ay nagsimulang mag-aral ng Bibliya noong tin-edyer siya at nabautismuhan noong 1993 nang siya ay 16 anyos. Noong 2003, napangasawa niya si Yelena, at magkasama silang naglingkod kay Jehova.

Noong 2018, natuklasan nina Brother at Sister Mikhaylov na lihim na pinapakinggan ng mga awtoridad ang mga tawag nila sa telepono at naka-video ang bawat kilos nila sa loob ng ilang buwan. Noong Abril 19, 2018, kinasuhan ng Investigation Committee of the Russian Federation sa rehiyon ng Ivanovo si Brother Mikhaylov at hinalughog ng armadong mga pulis ang bahay niya. Makalipas ang mahigit isang buwan, inaresto siya at ikinulong ng mga awtoridad dahil daw sa pagbibigay ng pinansiyal na suporta sa “ekstremistang” gawain. Pagkatapos makulong nang halos anim na buwan—171 araw—bago pa man litisin, siya ay pinalaya. Pero habang iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang kaso niya, hindi pa siya pinapayagang magbiyahe at babantayan ang komunikasyon niya sa iba.

Binigyan ng WGAD ang gobyerno ng Russia ng anim na buwan para sumagot at sabihin sa kanila kung isinara na nila ang kaso ni Mikhaylov, kung naibigay na nila ang bayad-pinsala, at kung naimbestigahan na ang mga lumabag sa kaniyang karapatan.

Malamang na nakatulong din ang isa pang opinyon ng WGAD na kagaya nito para palayain ng gobyerno ng Kazakhstan si Brother Teymur Akhmedov. Noong 2017, inaresto siya at sinentensiyahang makulong nang limang taon dahil sa mapayapang pagsasabi sa iba ng kaniyang pananampalataya. Pagkatapos matalo ang kanilang kaso sa lahat ng korte sa Kazakhstan, nagsampa ng reklamo sa WGAD ang mga abogado ni Brother Akhmedov. Sa kanilang desisyon na may petsang Oktubre 2, 2017, kinondena ng WGAD ang ginawa ng mga awtoridad ng Kazakhstan at hiniling nilang palayain si Brother Akhmedov. Makalipas ang anim na buwan, binigyan ng pardon ng presidente ng Kazakhstan si Brother Akhmedov. Siya ay pinalaya noong Abril 4, 2018.

Sundin man ng Russia o hindi ang desisyon ng WGAD sa kaso ni Brother Mikhaylov, lubusan tayong nagtitiwala sa pangakong ito: “Maligaya ang taong nanganganlong [kay Jehova].” Dalangin natin na patuloy na ingatan ni Jehova ang ating mga kapatid sa Russia na tinatratong kriminal, para makita nila na ang lahat ng lakas-loob na nagtitiwala sa Kaniya ay “hindi magkukulang ng anumang mabuti.”​—Awit 34:8, 10.