AGOSTO 22, 2019
RUSSIA
Iniutos ng Appeals Court na Palayain si Brother Andrey Suvorkov Mula sa House Arrest
Noong Agosto 14, 2019, iniutos ng appeals court na nasa lunsod ng Kirov na palayain ang 26 anyos na si Brother Andrey Suvorkov mula sa house arrest. Kahit na mas malaya na ngayon si Brother Suvorkov, may nakasampa pa ring kasong kriminal laban sa kaniya.
Gaya ng inireport noon, inaresto si Brother Suvorkov, kasama ang stepfather niya at ang tatlong iba pang kapatid, sa ginawang raid ng lokal na mga pulis at ng nakamaskarang mga pulis sa 19 na bahay sa Kirov noong Oktubre 9, 2018.
Habang inaalaala ni Brother Suvorkov ang paghalughog sa bahay niya, sinabi niya: “Kinumpiska ang marami sa mahahalagang gamit namin. Pero hindi kami nag-alala ng asawa ko, kasi lagi naming sinisikap na gawing simple ang buhay namin at huwag sobrang pahalagahan ang materyal na mga bagay. Ang payo sa Mateo 6:21, ‘kung nasaan ang kayamanan mo, naroon din ang puso mo,’ ang tumulong sa amin na manatiling kalmado.”
Pagkatapos ng raid, sinampahan ng kasong kriminal sina Brother Suvorkov, ang stepfather niya, at ang tatlong iba pang kapatid dahil sa pagkanta ng mga Kingdom song, pag-aaral ng mga relihiyosong literatura, at pagkakaroon ng kopya ng Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa wikang Russian. Dinala sila sa pansamantalang kulungan habang naghihintay ng desisyon kung palalayain sila o ibibilanggo bago litisin.
Ikinuwento ni Brother Suvorkov ang karanasan niya: “Dalawang gabi ako sa isang pansamantalang kulungan. Noong una, wala akong ginawa kundi manalangin. Sigurado akong naririnig ako ni Jehova at alam kong susuportahan niya ako. Naalala ko ang tono ng mga Kingdom song at kinanta ko ang mga iyon. Bandang huli, mahigit 50 ang nakanta ko.”
Nagdesisyon ang korte na ikulong si Brother Suvorkov at ang iba pa bago litisin. Noong unang linggo ng pagkakabilanggo, nagpokus si Brother Suvorkov sa pagtulong sa iba. Ikinuwento niya: “Isinasama ko ang pangalan ng mga kapatid sa mga panalangin ko, at nagpadala ako ng nakakapagpatibay na sulat sa mga taong naaalala ko ang adres. Nakatulong iyon sa akin para maging masaya.”—Gawa 20:35.
Pagkalipas ng ilang buwan, lahat ng kapatid ay inilipat sa house arrest, bukod kay Brother Andrzej Oniszczuk. Si Brother Suvorkov ang unang kapatid sa Kirov na napalaya mula sa house arrest.
“Kapag naaalala ko ang nangyari,” ang sabi ni Brother Suvorkov, “masaya akong naranasan kong makulong. . . . Hindi ko alam kung ano pa ang mangyayari sa hinaharap o kung makukulong ulit ako. Pero nagtitiwala akong susuportahan ako ni Jehova at ng organisasyon niya, kahit nasa bilangguan ako. Hindi ako natatakot makulong.”