ABRIL 1, 2019
RUSSIA
Isa na Namang Saksi ni Jehova ang Nahatulan sa Russia
Noong Abril 1, 2019, hinatulan ng korte ng Russia ang 56-na-taóng-gulang na si Sergey Skrynnikov dahil sa pagiging Saksi ni Jehova. Pinagbabayad siya ng $5,348.00 (RUB 350,000; EUR 4,758.95). Gusto ng tagausig na ibilanggo ito nang tatlong taon, pero hindi pumayag ang korte. Ang korte ring ito ang nagsentensiya kay Brother Dennis Christensen na mabilanggo nang anim na taon.
Si Brother Skrynnikov at ang kaniyang asawang si Nina ay may isang anak na babae. Tinutulungan nila ang kanilang anak at ang asawa nito sa pagpapalaki ng limang anak. Bukod diyan, sila ang nag-aalaga sa matatanda nang magulang ni Nina.
Sa korte, ipinagtanggol ni Brother Skrynnikov ang pananampalataya niya sa magalang at nakakakumbinsing paraan. Sinabi niya: “Kung titingnan ninyo ang sitwasyon ko ayon sa tingin ng walang pananampalataya sa Diyos, masisiraan kayo ng loob. . . . Pero bilang Saksi ni Jehova, positibo pa rin ako dahil sa aking pananampalataya. Kung ipapahintulot ng Diyos na mabilanggo ako nang tatlong taon, hindi ko ’yon ituturing na parusa kundi isang espesyal na atas na mangaral sa ibang lugar! Kaya hindi ako nasisiraan ng loob. . . . Tutulungan kami ng Diyos malaya man kami o nakabilanggo. Kaya hindi niya kami pababayaan. Lagi namin siyang kasama basta’t nananatili kaming tapat sa kaniya.”
Napapatibay tayo ng matatag na pananampalataya ng ating mga kapatid, gaya ni Brother Skrynnikov. Kapag iniisip natin ang matitinding pagsubok na kinakaharap nila, nasasabi rin natin ang sinabi ni apostol Pablo sa kaniyang panalangin: “Dahil nagtitiwala kayo sa Diyos, na nagbibigay ng pag-asa, punuin nawa niya ang inyong puso ng kagalakan at kapayapaan, nang sa gayon ay mapuno kayo ng pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng banal na espiritu.”—Roma 15:13.