OKTUBRE 18, 2019
RUSSIA
Isang Kilaláng Iskolar ng Relihiyon sa Russia ang Tumestigo Para sa mga Saksi ni Jehova sa Saratov
Noong Setyembre 4, 2019, habang nililitis ang anim na Saksi ni Jehova sa Saratov, isang kilaláng iskolar ng relihiyon at state advisor ng Russian Federation na si Sergey Igorevich Ivanenko ang tumestigo para sa mga Saksi ni Jehova. Si Dr. Ivanenko ay awtor ng dalawang publikasyon tungkol sa mga Saksi ni Jehova sa Russia. Ang mga sumusunod ay galing sa kaniyang testimonya:
Ang buhay at pagsamba ng mga Saksi ni Jehova. “May isang dahilan kung bakit naiiba ang mga Saksi ni Jehova: Hindi sila nakadepende sa mahihigpit na batas o sa awtoridad ng isang partikular na lider. Sa halip, tinutulungan nila ang mga miyembro nila na magkaroon ng konsensiyang sinanay sa Bibliya para ang bawat isa ay makakapagdesisyon base sa sinasabi ng Bibliya.
“Sinisikap sundin ng mga Saksi ni Jehova ang nakasulat sa Bibliya. Iyan ang ginawa ni Jesu-Kristo at ng mga alagad niya.
“Sinasamba ng mga Saksi ni Jehova ang Diyos habang sama-sama nilang pinag-aaralan ang Bibliya, sinasagot ang mga tanong sa Bibliya, at kinakanta ang mga awit na base sa Bibliya. Kaya sa lahat ng ginagawa nila, kitang-kita na talagang sinisikap nilang sundin ang Bibliya.
“Naniniwala rin sila na ang isang Kristiyano ay dapat na bahagi ng isang kongregasyon. Pinag-aralan nila kung ano ang sinasabi ng Bagong Tipan tungkol kay Jesu-Kristo at sa mga alagad niya, sa mga tagasunod niya, at kung paano nagsimula ang kongregasyong Kristiyano. . . . Kaya naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na dapat silang sumamba nang sama-sama bilang isang kongregasyon.
“Naniniwala silang makikilala ang mga alagad ni Jesu-Kristo dahil sa pag-ibig sa isa’t isa.”
Ang pangangaral ng mga Saksi ni Jehova. “Kilalá ang mga Saksi ni Jehova sa kanilang masigasig na pangangaral. Sa tingin ko, mga Saksi ni Jehova ang pinakamasipag mangaral. Lahat sila ay dapat mangaral at maglaan ng panahon para dito.
“Lagi nilang sinasabi, ‘Ito ang sinasabi ng Bibliya.’ Puwedeng kumuha ng Bibliya ang kausap nila para masuri ito. Kapag sang-ayon siya sa sinasabi nila, puwede siyang maging Saksi. Kung hindi, hindi siya pipilitin.”
Ang akusasyong ekstremista ang mga Saksi ni Jehova. “Sinabi ng gobyerno ng Russia na ekstremista ang ilang publikasyon ng mga Saksi ni Jehova dahil mababasa rito na mga Saksi ni Jehova lang ang tunay na relihiyon at ang lahat ng iba pa ay hindi. Sinasabi rin naman ito ng ibang relihiyon, pero mga Saksi ni Jehova lang ang inakusahang ekstremista. Sinabi ng mga awtoridad na inaangkin ng mga Saksi ni Jehova na nakakahigit sa lahat ang relihiyon nila.
“Para sa akin bilang isang iskolar ng relihiyon, mali ang desisyong ito ng korte. Kapag nagsuri ka, makikita mong ang lahat ng relihiyon ay nagsasabing sila lang ang tunay at ang lahat ng iba pa ay huwad o nailigaw.
“Naniniwala ang lahat ng taong relihiyoso na ang relihiyon lang nila ang tunay at itinuturing nilang mali ang lahat ng iba pang relihiyon. Kung hindi gano’n ang paniniwala nila, hindi sila totoong relihiyoso.
“Isa pa, hangga’t hindi sumasalungat ang batas ng tao sa batas ng Diyos, sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na sumunod sa gobyerno. Iyan ang dahilan kaya napakaraming report na ibinabalik ng mga Saksi ni Jehova ang napulot nilang wallet at na nagbabayad sila ng multa o buwis kahit puwede naman nila itong maiwasan. Hindi sila ekstremista at hindi ko sila ituturing na nagpapanggap lang dahil talagang tapat sila at sumusunod sa batas.”
Ang mga Saksi ni Jehova at ang Bibliya. “Isang dahilan kung bakit naiiba ang mga Saksi ni Jehova ay dahil ginagamit nila sa pag-aaral at ministeryo ang iba’t ibang salin ng Bibliya. Mahalaga para sa kanila na maipamahagi ito sa iba’t ibang wika. Naiiba sila dahil lagi silang nakapokus sa Bibliya. Itinuturing na ekstremista ang salin nila ng Bibliya rito . . . Baka iniisip ng mga nagbawal nito na ang ginagamit lang ng mga Saksi ni Jehova ay ang sarili nilang salin at na mapapahinto ang pangangaral nila kung hindi na nila ito magagamit. Mali ang kaisipang iyon. Iginagalang ng mga Saksi ni Jehova ang bawat salin ng Bibliya.”
Ang paggamit ng mga Saksi ni Jehova ng legal na mga korporasyon. “Ipinapakita ng desisyon ng Korte Suprema ng Russian Federation na . . . walang legal na korporasyon ang karamihan sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova . . . Kaya hindi tamang sabihing ang bawat Saksi ni Jehova sa isang partikular na lugar ay awtomatikong nagiging miyembro ng isang legal na korporasyon.
“Para sa legal na mga korporasyon . . . , pinag-aralan kong mabuti ang mga legal na dokumento nila. Walang nabanggit doon na mga terminong gaya ng overseer, elder, o payunir. Ang madalas na binabanggit sa ganitong mga dokumento ay ang mga founder, na mga 10 tao lang. Legal na mga responsibilidad lang nila ang binabanggit. Wala silang espesyal na katayuan sa kongregasyon at walang awtoridad para magdesisyon tungkol sa gawain ng mga Saksi ni Jehova. . . . Iisa ang gawain ng mga Saksi ni Jehova nasaan man sila.
“Iginagalang ng mga Saksi ni Jehova ang desisyon ng Korte Suprema na ang ipinagbawal lang ay ang legal na mga korporasyon nila. Pero tuloy pa rin ang pagsamba nila, dahil hindi naman ipinagbawal ang relihiyon nila. Ipinagpapatuloy nila ang pagsamba nila bilang indibidwal. Naniniwala silang karapatan nila ito. At para sa akin bilang iskolar ng relihiyon, sang-ayon akong ang pagsamba nila ay hindi lumalabag sa desisyon ng Korte Suprema.”
Ang mga Saksi ni Jehova at ang pagsasalin ng dugo. “Sinasabi ng Bibliya na ‘ang buhay ay nasa dugo’; kaya hindi dapat gamitin ang dugo. Pagkain ang pinag-uusapan sa teksto, pero mas malawak ang pagkakaintindi rito ng mga Saksi ni Jehova. Naniniwala silang ang dugo ay hindi dapat gamitin sa kahit anong paraan, sa pagkain man (hindi sila kumakain ng blood sausage) o sa pagsasalin ng dugo. Pero tinatanggap nila ang mga minor blood fraction. Ito ay personal na desisyon ng bawat Saksi . . . Kapag tinatanggihan nila ang pagpapasalin ng dugo, hindi ibig sabihin na gusto nilang mamatay; gusto lang nila ng de-kalidad na panggagamot. Naniniwala silang delikado ang pagpapasalin ng dugo dahil puwede nitong maisalin ang AIDS o iba pang sakit, at sang-ayon ang maraming doktor. Mas ligtas ang mga operasyong walang dugo. Makikita sa statistics na mas pinipili ng mayayamang tao na hindi magpasalin ng dugo kasi mas ligtas ito at mas mabilis silang gagaling dito.”
Ang mga Saksi ni Jehova at ang mga donasyon. “Nasa isang indibidwal kung magdo-donate siya. Ang totoo, ang isa ay puwedeng dumadalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova sa buong buhay niya pero hindi nagdo-donate ng kahit magkano. Nasa isang indibidwal kung magdo-donate siya o hindi.”
Kahit na sinabi ng ekspertong si Dr. Ivanenko na ang mga Saksi ni Jehova ay mga Kristiyanong sumusunod sa batas, hindi kinilala ng korte ang kaniyang testimonya at sinentensiyahan pa rin nito ang lahat ng anim na kapatid ng pagkabilanggo, na iba’t iba ang haba.
Habang patuloy na pinaparatangan at ibinibilanggo ng Russia ang mga kapatid natin, patuloy rin nating ipinapanalangin na pagpalain ni Jehova ang lakas ng loob at katapatan ng mga kapuwa natin mananamba para makapagtiis sila.—Awit 109:2-4, 28.