Pumunta sa nilalaman

Mula kaliwa pakanan, sa itaas: Brother Aleksey Budenchuk, Dennis Christensen, Gennadiy German, at Roman Gridasov

Sa ibaba: Brother Vadim Kutsenko, Feliks Makhammadiyev, at Aleksey Miretskiy

NOBYEMBRE 6, 2020
RUSSIA

Kinondena ng mga Opisyal ng Iba’t Ibang Bansa ang Pang-uusig ng Russia sa mga Saksi ni Jehova

Kinondena ng mga Opisyal ng Iba’t Ibang Bansa ang Pang-uusig ng Russia sa mga Saksi ni Jehova

“Isang tahasang pagpilipit sa hustisya.”—USCIRF Chair Gayle Manchin

Patuloy na kinokondena ng mga opisyal mula sa Europe at United States ang walang-tigil na pang-uusig sa mga Saksi ni Jehova sa Russia.

United States Commission on International Religious Freedom (USCIRF)

“Hindi matanggap ng USCIRF ang pagtrato ng Russia kay Dennis Christensen,” ang sabi ni Chair Gayle Manchin, sa isang statement na inilabas noong Oktubre 27, 2020. “Kitang-kita na talagang may galit sila sa kawawang lalaking ito dahil lang sa pagsasagawa niya ng kaniyang relihiyosong paniniwala. Imbes na maawa sa kaniya, tinatrato nila siyang parang isang mapanganib na kriminal. Ito ay isang tahasang pagpilipit sa hustisya.”

Ipinaglalaban ni Chair Manchin si Brother Christensen sa tulong ng Religious Prisoners of Conscience Project ng USCIRF. Ilang beses nang tinuligsa ng USCIRF ang hatol kay Brother Christensen na anim-na-taóng pagkabilanggo.

Sa statement ng USCIRF, kinondena rin nito ang Russia dahil pinigilan nito ang maagang paglaya ni Brother Christensen. Iniulat ng USCIRF na siya ay “nabigyan ng parole noong Hunyo 23, [2020,] pero agad na umapela ang isang prosecutor. Imbes na palayain, ikinulong si Christensen sa isang punishment cell dahil daw sa paglabag sa mga patakaran ng bilangguan.”

Bilang konklusyon, binanggit ng USCIRF ang 2020 Annual Report nito. Sinasabi sa report na kinokondena nito ang gobyerno ng Russia “dahil sa planado, patuluyan, at lantarang paglabag sa kalayaan sa relihiyon.” Iminungkahi rin nito sa gobyerno ng United States na parusahan ang Russia at ituring ito bilang isang “bansang dapat ikabahala.”

United Nations Human Rights Council

Sa isang liham para sa Permanent Mission of the Russian Federation to the United Nations Office, sinabi ng walong matataas na opisyal na inatasan ng United Nations Human Rights Council na hindi katanggap-tanggap “ang walang-tigil na pang-uusig sa mga Saksi ni Jehova sa Russian Federation, ang pagbuwag sa Administrative Center of Jehovah’s Witnesses sa St. Petersburg, at ang pagbabawal sa relihiyosong gawain ng lahat ng 395 sangay nito sa bansa.” Binatikos din ng mga opisyal ang Russia dahil hindi ito nakikinig sa paulit-ulit na panawagan sa kanila ng iba’t ibang organisasyon sa buong mundo na itigil na ang pang-uusig.

Sinabi ng mga opisyal ng UN na ang di-malinaw na mga extremism law ng Russia ay “ginagamit para pahintuin ang lahat ng relihiyosong gawain ng mga Saksi ni Jehova, takutin sila, pagkaitan sila ng privacy dahil hina-harass sila ng mga pulis at nire-raid ang mga bahay nila, iditine sila at pagtatanungin, at sa ilang kaso, para hatulan at ibilanggo sila.”

“Ang karapatan ng mga Saksi ni Jehova na magsagawa ng kanilang mga relihiyosong gawain ay nakasaad sa article 18 (1) ng ICCPR,” * ang pagdiriin ng mga opisyal. Kaya nananawagan sila sa Russian Federation na “tiyaking hindi nilalabag ng 2002 Federal Law on Combating Extremist Activity ang karapatan ng bawat tao na magkaroon ng kalayaan sa kaisipan, konsensiya, relihiyon, o paniniwala, gaya ng isinasaad sa konstitusyon.”

Binanggit din sa sulat ang mga pang-aabuso sa mga kapatid natin. Halimbawa, limang Saksi mula sa Saratov ang pinagbubugbog noong Pebrero 6, 2020. Ganito pa ang mababasa sa sulat: “Karamihan sa mga Saksi ni Jehova na idiniditine ay nakakaranas ng di-magagandang kalagayan sa bilangguan, pagmamaltrato, at iba pang pagpapahirap na para na ring torture, dahil sa kanilang relihiyosong paniniwala.”

Binanggit din sa sulat ang isa pang brutal na pang-uusig—tinorture ng mga pulis sa Russia si Brother Vadim Kutsenko noong Pebrero 10, 2020. Itinanggi ito ng mga awtoridad. Pero hindi ito pinaniwalaan ng mga opisyal ng UN, at patuloy pa rin silang “nababahala sa paulit-ulit na pang-uusig sa mga Saksi ni Jehova sa buong bansa dahil itinuturing na krimen ang kanilang relihiyosong gawain.”

Committee of Ministers ng Council of Europe

Dahil sa mga pagbabawal at pang-uusig sa mga Saksi noong 2017, lalo pang pinagtuunan ng pansin ng Committee of Ministers * ng Council of Europe ang Russia kung sinusunod ba nito ang naging desisyon ng European Court of Human Rights dahil sa pagkakait nito ng karapatang pantao sa mga Saksi ni Jehova. * Kaya sa desisyong inilabas ng komite noong Oktubre 1, 2020, sinabi nito ang kanilang “pagkabahala sa ginawang pagbabawal sa buong bansa noong 2017 at sa mga nakakagulat na report mula sa iba’t ibang source . . . na dahil sa pagbabawal na ito, ang mga Saksi ni Jehova ay patuloy na inaaresto, kinakasuhan, at ibinibilanggo dahil lang sa tahimik na pagsasagawa ng kanilang relihiyosong paniniwala.”

Para hindi na maulit ang ganitong paglabag, iminungkahi ng komite na mag-isip ng paraan ang Russia para maayos ang “kasalukuyang anti-extremism law na ginagamit nilang basehan sa pagbabawal at pagsasampa ng kasong kriminal sa mga Saksi ni Jehova.” Dapat ding pag-isipan ng Russia na “alisin ang pagbabawal at tigilan na ang pagsasampa ng kasong kriminal sa mga Saksi ni Jehova sa buong bansa na nagsasagawa lang naman ng kanilang relihiyosong pagsamba.” Muling rerebyuhin sa 2021 kung nasusunod ito ng Russia.

Mula pa noong 2017, mahigit 400 kapatid na sa Russia at Crimea ang naakusahan dahil daw sa pagiging ekstremista. Mahigit 210 Saksi na ang nabilanggo sa 70 lunsod sa buong Russia.

Tayo ay “tumatawag sa pangalan ni Jehova na [ating] Diyos” na patuloy na tulungan ang mga kapatid natin na makapagtiis.—Awit 20:2, 7.