AGOSTO 11, 2020
RUSSIA
Kinondena ng mga Opisyal ng U.S. at Europe ang Planadong Pag-uusig ng Russia sa mga Saksi ni Jehova
Kinondena ng United States at ng mga 30 bansa sa Europe ang planadong pag-uusig at ang pag-torture sa mga kapatid natin sa Russia. Nangyari ito noong Hulyo 23, 2020 sa isang miting na pinangasiwaan ng Permanent Council ng Organization for Security and Co-operation in Europe (OSCE) *.
Sinabi ng acting political counselor para sa OSCE’s U.S. Mission, na si Ms. Lane Darnell Bahl: “Itinawag-pansin ng United States at ng marami pang bansa na nasa bulwagang ito ang di-makatarungang pag-raid ng mga pulis, walang-basehang pag-aresto at pagditine, mga hatol na umaabot nang anim-na-taóng pagkabilanggo, at pag-torture ng mga awtoridad sa Russia sa mga Saksi ni Jehova; at patuloy namin itong itatawag-pansin.”
Nababahala ang mga opisyal na ito sa mga raid na isinagawa kamakailan ng mga awtoridad sa Russia sa mahigit 100 bahay ng mga Saksi ni Jehova sa Voronezh Region. “Talagang hindi makatarungan ang ganitong pag-uusig sa mga miyembro ng maliit na relihiyosong grupong ito,” ang sabi ni Ms. Bahl.
Sinabi rin ng deputy head ng United Kingdom (UK) Delegation na si Ms. Nicola Murray na nag-aalala siya na “ang dumaraming kaso ng paghalughog, pati na ang magkakasunod na raid, ay nagpapahiwatig ng planadong pag-uusig laban sa mga Saksi ni Jehova.” Idinagdag pa niya: “Ang mga ‘ebidensiya’ na ginagamit ng mga awtoridad para imbestigahan at kasuhan ang mga Saksi ay ang regular na pakikibahagi ng mga ito sa kanilang relihiyosong gawain.”
Sinabi rin ni Ms. Bahl na hindi totoo ang paratang ng mga awtoridad sa Voronezh na nagkasala ang mga Saksi ng “conspiracy measure.” Kasama diyan ang pagtatago ng mga report at iba pang dokumento sa electronic format, pag-oorganisa ng mga grupo, at paggamit ng videoconference para magdaos ng pulong. Tinawag ni Ms. Bahl ang akusasyong ito ng mga awtoridad na “kamangmangan at kahiya-hiya.” Sinabi niya: “Araw-araw kong ginagawa ang mga ‘conspiracy measure’ na sinasabi nila.” Idinagdag pa niya na ang mga miyembro ng Russian Delegation na naka-connect sa miting ng OSCE ay masasabi ring “nagkasala dahil sa pakikibahagi sa ganitong gawain.”
Sa isang pahayag, sinabi ng 27 bansa na miyembro ng European Union (EU), kasama ang walong estado na hindi miyembro: “Ilang beses na naming narinig na sinabi ng Russian Delegation sa Permanent Council na malaya ang mga Saksi ni Jehova sa pagsamba, at na ang kalayaan sa relihiyon o paniniwala ay kinikilala ng Russian Federation. Pero marami pa rin tayong nababalitaan na mga raid, pagbilanggo, at pagturing na kriminal sa mga Saksi ni Jehova. Kabaligtaran ito ng sinasabi ng Russian Delegation.”
Sinabi rin ng EU Delegation: “Dapat na magamit ng lahat ng tao, pati na ng mga Saksi ni Jehova, ang kanilang karapatang pantao, kasama na riyan ang kalayaan sa pagsamba, karapatang makipagsamahan at mapayapang magtipon, at kalayaan sa pagpapahayag, nang walang diskriminasyon, gaya ng ginagarantiyahan ng Constitution of the Russian Federation [at ng] pananagutan ng Russia sa OSCE ayon sa internasyonal na batas.”
Bilang pagtatapos sa pahayag ng UK, nanawagan si Ms. Murray sa Russia na ihinto na ang pang-uusig sa mga Saksi ni Jehova.
Sinabi ni Ms. Bahl sa Russia na: (1) itigil na ang mga imbestigasyon laban sa mga Saksi ni Jehova, (2) ibalik sa mga Saksi ni Jehova ang kanilang punong-tanggapan sa Russia, at (3) palayain na ang lahat ng nakabilanggong Saksi.
Hindi ito ang unang beses na kinondena ng internasyonal na mga organisasyon ang Russia dahil sa pagtrato nito sa ating mga kapatid. Nababalaan na ang Russia—alam ng buong mundo na walang awa nilang pinag-uusig ang mga kapatid natin. Higit sa lahat, nakakatiyak tayong alam ni Jehova ang pinagdaraanan ng mga kapatid natin sa Russia. (Awit 37:18) Siguradong patuloy na pagpapalain ng ating Ama sa langit ang kanilang katapatan, lakas ng loob, at pagtitiis.—Awit 37:5, 28, 34.
^ Isa sa mga layunin ng OSCE ay ang mapanatili ang karapatang pantao. Ang Permanent Council ang grupo na gumagawa ng karamihan sa mga desisyon ng OSCE.