Pumunta sa nilalaman

Si Sister Anastasiya Sycheva

ENERO 22, 2021
RUSSIA

Korte sa Russia, Hinatulang Guilty si Sister Anastasiya Sycheva Dahil sa Pagdalo sa mga Pulong

Korte sa Russia, Hinatulang Guilty si Sister Anastasiya Sycheva Dahil sa Pagdalo sa mga Pulong

Hatol

Noong Enero 21, 2021, hinatulang guilty ng Obluchenskiy District Court of the Jewish Autonomous Region si Sister Anastasiya Sycheva. Sinentensiyahan siya ng dalawang-taóng suspended prison sentence. Hindi niya kailangang makulong ngayon.

Profile

Anastasiya Sycheva

  • Ipinanganak: 1977 (Teploozyorsk, Jewish Autonomous Region)

  • Maikling Impormasyon: May apat na kapatid, pero namatay na ang dalawa. Nagtapos ng nursing sa isang medical college. Nagtrabaho sa dental office at pagkatapos ay sa psychiatric hospital. Nang mamatay ang panganay niyang kapatid na babae, siya na ang nag-alaga sa dalawa niyang maliliit na pamangkin. Siya na rin ang nag-alaga sa nanay niya hanggang sa mamatay ito dahil sa pagkakasakit

    Noong kabataan pa siya, iniisip na niya kung bakit napakaikli ng buhay. Dahil dito, nag-aral siya ng Bibliya. Nagustuhan niya ang mga sagot nito. Nabautismuhan siya bilang Saksi ni Jehova noong 1994

Kaso

Isinama ng mga awtoridad sa Russia si Anastasiya sa listahan ng mga “ekstremista” noong Oktubre 2019. Noong Setyembre 25, 2019, kinasuhan si Anastasiya ng Investigative Department ng Federal Security Service (FSB) ng Russia sa Birobidzhan. Dahil dumadalo siya sa mga pulong at ibinabahagi niya sa iba ang paniniwala niya, inakusahan siya ng pagpapatuloy sa gawain ng mga Saksi ni Jehova.

Noong dinidinig ang kaso niya, iniharap ng prosecutor ang mga audio at video recording ni Anastasiya na nakikipag-usap sa telepono at dumadalo sa mga pulong. Sinabi ng prosecutor na pinapatunayan ng mga recording na nakikibahagi siya sa gawaing “ekstremista.” Ginamit naman ni Anastasiya ang tinatawag nilang ebidensiyang ito para makapagpatotoo. Ipinaliwanag niya na sa pulong ng mga Saksi ni Jehova, tinuturuan ang mga tao na maging maawain, mapagpatawad, matiisin, at magkaroon ng iba pang magagandang katangian.

Sa pagtatapos ng paglilitis, ipinaliwanag ni Anastasiya kung paano nakatulong sa kaniya ang Bibliya. Ito ang ilan sa sinabi niya: “Sa araw na ito, hinahatulan ako dahil sa pananampalataya ko at dahil patuloy akong gumagawa ng mga relihiyosong gawain, gaya ng pagbabasa ng Bibliya, pakikisama sa mga kaibigan ko para pag-usapan ang Banal na Kasulatan, pag-awit ng papuri kay Jehova, at pananalangin sa kaniya.

“Paano ko magagawang suwayin ang utos na nasa Hebreo kabanata 10, talata 24 at 25? Sinabi do’n: ‘At isipin natin ang isa’t isa para mapasigla natin ang bawat isa na magpakita ng pag-ibig at gumawa ng mabuti, at huwag nating pabayaan ang pagtitipon natin, gaya ng nakaugalian ng iba, kundi patibayin natin ang isa’t isa, at gawin natin ito nang higit pa habang nakikita nating papalapit na ang araw.’ Kung gusto ng Kataas-taasang Diyos na Jehova na makipagsamahan ako sa mga kaibigan at kapananampalataya ko, magbasa ng Bibliya, patibayin ang iba, at maging mabait, paano ko magagawang suwayin siya? Mahal na mahal ko siya, nirerespeto, at sinasamba.”

Natutuwa tayong marinig na lakas-loob na ipinagtanggol ni Anastasiya ang pananampalataya niya at nananatili siyang matatag at positibo. Ipinapanalangin natin na patuloy sana siyang maging masaya at lalo pang maging matiisin habang hinaharap niya ang pagsubok na ito.—Santiago 1:2, 3.