Pumunta sa nilalaman

HULYO 1, 2020
RUSSIA

Maagang Pagpapalaya kay Brother Christensen, Pinigilan ng Prosecutor sa Russia

Maagang Pagpapalaya kay Brother Christensen, Pinigilan ng Prosecutor sa Russia

Noong Hunyo 26, 2020, ilegal na ikinulong ng mga awtoridad sa Lgov si Brother Dennis Christensen sa isang special punishment na selda, na kadalasang ginagamit para sa mga nagkasala nang mabigat. Humihina na ang kalusugan niya, kaya lumilitaw na ang pagbibilanggong ito sa kaniya ay para pahinain ang pananampalataya niya. Posibleng gumamit din ang prosecutor’s office ng bagong mga paratang laban kay Brother Christensen para maiapela ang maagang pagpapalaya sa kaniya, isang desisyon na sinuportahan din ng prosecutor’s office na iyon ilang araw lang ang nakakaraan.

Mahigit tatlong taon nang nakabilanggo si Brother Christensen. Mahigit isang taon na rin siyang kuwalipikado na mabigyan ng parole o maagang mapalaya. Nagsumite siya ng tatlong aplikasyon, pero lahat ng ito ay hindi binigyang-pansin. Sa wakas, tinanggap ang ikaapat niyang aplikasyon. Noong Hunyo 23, 2020, ipinag-utos ng Lgov District Court na palayain na siya at patawan na lang ng multa bilang kapalit sa nalalabing bahagi ng sentensiya niya. Sinuportahan ng isang prosecutor na nasa korte, si Mr. Artem Kofanov, ang pagpapagaan sa parusa.

Pagkaraan ng dalawang araw, sinabi naman ng isang prosecutor na si Mr. Aleksei Shatunov na ilegal ang desisyon ng korte, at hiniling na kanselahin ito at magkaroon ng bagong paglilitis sa korte ring iyon pero ibang hukom ang hahawak ng kaso. Ibinatay ni Mr. Shatunov ang kahilingan niya sa negatibong mga report ng Lgov prison administration na nagsasabing si Brother Christensen ay walang “magandang rekord ng pagtatrabaho at magandang asal sa bilangguan.”

Sa pagdinig tungkol sa pagbibigay ng parole kay Brother Christensen noong Hunyo 23, sinikap ng mga kinatawan ng bilangguan na gumawa ng kahawig na mga argumento, pero sinabi ng hukom na walang basehan ang mga ito. Ipinakita sa korte ng abogadong nagtatanggol ang medikal na mga dokumento na nagpapatunay na dahil sa mahinang kalusugan ni Brother Christensen, hindi siya puwedeng magtrabaho nang mabigat sa bilangguan. Habang tumetestigo, inamin ng isang kinatawan ng bilangguan na wala silang trabaho na maipapagawa kay Brother Christensen dahil sa kalusugan niya.

Habang isinusulong ng prosecutor’s office ang apela ni Brother Christensen para sa maagang paglaya, nagsumite ng dalawang report ang mga awtoridad ng bilangguan laban kay Brother Christensen. Sa unang report, sinabi nilang kumakain siya sa dining hall nang wala sa oras, at ang ikalawa, nasa baraks siya na nakasuot lang ng T-shirt at walang jacket. Dahil dito, ikinulong si Brother Christensen sa special punishment na selda nang 10 araw. Ayon sa batas ng Russia, magagawa lang iyon ng mga awtoridad kapag ang isang bilanggo ay paulit-ulit na gumawa ng malubhang paglabag sa mga tuntunin sa bilangguan, at pagkatapos lang na masuri siya ng isang doktor. Hindi iyan kapit kay Brother Christensen, kaya walang saligan para ilagay siya sa special punishment na selda.

Si Brother Christensen ay may kasamang isa pang bilanggo sa seldang mga tatlong metro ang haba at dalawang metro ang lapad. Walang gaanong bentilasyon ang seldang iyon at may amag, na nagpalala pa sa sakit ni Brother Christensen. Nagkapulmonya siya mga ilang buwan na ang nakakalipas, at na-diagnose na may malalang kalagayan ang spinal cord niya. Sinabi ng abogado ni Brother Christensen na “alam ito ng mga opisyal sa bilangguan, pero inilagay pa rin nila siya sa lugar na may matigas na kama, na nagpalala ng kirot na nararamdaman niya.”

Sinabi ni Brother Christensen sa abogado niya na noong panahong inaakusahan siya ng mga paglabag, may kasama siyang iba pang bilanggo, pero siya lang ang dinala sa special punishment na selda. Sinabi ng abogado ni Brother Christensen, “Naniniwala kami na bahagi ito ng organisadong plano para hadlangan ang maagang pagpapalaya kay Dennis na ipinag-utos ng korte.”

Habang patuloy na gumagawa ang mga awtoridad ng Russia ng bago at mas matitinding pag-uusig sa ating mga kapatid sa Russia, nagtitiwala tayo na si Jehova ang magiging matibay na kanlungan nila. Patuloy sana nating ipanalangin na ibigay ni Jehova kay Brother Christensen at sa asawa niyang si Irina ang lahat ng kailangan nila para manatiling tapat lalo na sa mahirap na panahong ito.—Awit 94:13, 21, 22.