MARSO 1, 2019
RUSSIA
Mabilis na Umaksiyon ang ECHR sa Kaso ng Isang Brother sa Russia na Pinahirapan
Noong Pebrero 25, 2019, humingi ng tulong sa European Court of Human Rights (ECHR) ang mga abogado ni Brother Sergey Loginov, isa sa pitong brother na pinahirapan ng mga opisyal sa lunsod ng Surgut sa kanlurang Siberia. Pinalaya ang anim sa kanila, pero ibinilanggo si Brother Loginov mula nang arestuhin siya, at wala man lang gumamot sa kaniya sa mga pinsalang natamo niya.
Pagkalipas lang ng isang araw, noong Pebrero 26, nagbaba ng hatol ang ECHR pabor kay Brother Loginov. Pinagbigyan ng korte ang kahilingan ng mga abogado. Inutusan nito ang Russia na patingnan “agad” si Brother Loginov sa grupo ng mga doktor para suriin kung gaano kalaking pinsala sa “pisikal at mental” ang natamo niya at kung kaya ba ng kalusugan niya na manatili sa bilangguan. Ang gobyerno ng Russia ay mayroon na lang hanggang Marso 11, 2019 para kumilos.
Pinagbibigyan lang ng ECHR ang gayong mga kahilingan sa espesyal na mga kaso—kung ang indibidwal ay nanganganib na magtamo ng permanenteng pinsala. Kaya nakakapagpatibay na napakabilis kumilos ng ECHR—isang araw lang matapos hingin ang tulong nila. Sinabi ng ECHR na babantayan nitong mabuti ang pang-aabusong ginagawa sa mga kapatid.
Sa ngayon, 19 na Saksi ang sinampahan ng kaso sa Surgut, at 3 sa kanila ay ibinilanggo nang hindi pa nalilitis.
Habang patuloy tayong nagsusumamo kay Jehova para sa ating mga kapatid, tandaan ang nakakapagpatibay na sinabi ni Jeremias: “Pinagpala ang taong kay Jehova nagtitiwala at kay Jehova umaasa.”—Jeremias 17:7.