Pumunta sa nilalaman

Si Brother Andrzej Oniszczuk sa selda sa korte nang muling palawigin ang pretrial detention niya

AGOSTO 9, 2019
RUSSIA

Mag-iisang Taon Nang Nakabilanggong Mag-isa si Brother Andrzej Oniszczuk

Mag-iisang Taon Nang Nakabilanggong Mag-isa si Brother Andrzej Oniszczuk

Si Brother Andrzej Oniszczuk, isang Polish citizen, ay nasa pretrial detention sa Russia mula nang arestuhin siya noong Oktubre 9, 2018. Kamakailan lang, pinalawig na naman ang detention niya; ito ang ikalima. Nakatakda itong matapos sa Oktubre 2, ilang araw bago siya mag-isang taon sa detention.

Si Andrzej, kasama ang kaniyang asawang si Anna, bago siya arestuhin. Mula nang arestuhin siya 10 buwan na ang nakakalipas, hindi pinayagan ang asawa niya na dumalaw sa kaniya

Mula nang ikulong siya, mag-isa lang si Andrzej sa selda niya. Mula 6:00 n.u. hanggang 9:00 n.g., hindi siya pinapayagang humiga. Pinapayagan lang siyang mag-shower ng mainit isang beses sa isang linggo sa loob lang ng 15 minuto. Hindi pinayagan ang asawa ni Andrzej na si Anna na dumalaw sa kaniya sa loob ng 10 buwan na nakakulong siya. Puwede lang silang magsulatan. Ilang beses na niyang hiniling na madalaw si Andrzej, pero lagi siyang hindi pinapayagan ng mga awtoridad.

Gaya ng naunang report, inaresto si Andrzej matapos halughugin ng mga pulis at nakamaskarang sundalo ang bahay niya at ng 18 iba pa sa Kirov. Sinampahan si Andrzej ng kasong kriminal dahil sa pagkanta ng mga awiting pang-Kaharian at pag-aaral ng relihiyosong literatura.

Bukod kay Andrzej, apat na brother pa (si Maksim Khalturin, 44 anyos, si Vladimir Korobeynikov, 66 anyos, si Andrey Suvorkov, 26 anyos, at si Evgeniy Suvorkov, 41 anyos) ang inaresto noong nakaraang taon at inilagay sa pretrial detention. Naka-house arrest sila ngayon. Ang kaso ni Andrzej at ng apat na kapatid na iyon ay nasa European Court of Human Rights na.

Ngayong taon, sinampahan ng mga awtoridad sa Russia ng kasong kriminal ang pito pang brother sa Kirov—ang pinakamatanda ay 70 anyos, si Yevgeniy Udintsev. Labindalawang Saksi ni Jehova na ang napapaharap sa kasong kriminal dahil sa pananampalataya nila.

Para kina Andrzej at Anna at sa lahat ng mga kapatid natin sa Russia, huwag nawa nating kalimutan ang paalaala na ito ni Jehova: “Lagi ninyong alalahanin ang mga nasa bilangguan, na para bang nakabilanggo kayong kasama nila, at ang mga pinagmamalupitan, dahil kayo rin mismo ay nasa isang katawan pa.”—Hebreo 13:3.