Pumunta sa nilalaman

Mga awtoridad sa Russia na may dalang armas at maso papunta sa isa sa 31 bahay ng kapatid na pinasok nila sa lunsod ng Nizhniy Novgorod noong Hulyo 2019

AGOSTO 7, 2019
RUSSIA

Mahigit Nang 600 Bahay ng mga Saksi ang Pinasok ng mga Pulis sa Russia

Mahigit Nang 600 Bahay ng mga Saksi ang Pinasok ng mga Pulis sa Russia

Sa nakalipas na 18 buwan, umabot na sa 613 bahay ng mga kapatid ang pinasok ng lokal na mga pulis at mga agent ng Federal Security Service (FSB). Mula Enero 2019, umabot na sa 332 bahay ang pinasok ng mga awtoridad—mas marami kumpara sa 281 bahay na pinasok nila noong 2018.

Dumami ang bilang ng mga bahay ng mga kapatid na pinapasok ng mga awtoridad nitong nakaraang mga buwan. Noong Hunyo, 71 bahay ang pinasok nila, at 68 noong Hulyo. Di-hamak na mas marami ito kumpara noong 2018, dahil mga 23 bahay lang kada buwan ang pinapasok noon.

Pinasok ng mga awtoridad sa Russia ang isang bahay sa Nizhniy Novgorod

Kapag pumapasok ang mga awtoridad sa bahay o apartment, karaniwan nang nakamaskara sila at armado. Kapag nasa loob na sila ng bahay, may mga pagkakataong tinututukan nila ng baril ang mukha ng mga kapatid, pati mga bata at may-edad. Tinatrato silang parang pusakal na mga kriminal. Kaya naman maraming eksperto ang sang-ayon sa sinabi ni Dr. Derek H. Davis, dating direktor ng J.M. Dawson Institute of Church-State Studies sa Baylor University: “Dahil napakaagresibo ng pag-atake ng Russia sa mapapayapang tao gaya ng mga Saksi ni Jehova, kitang-kita na sila maituturing na ekstremista.”

Nakakalungkot, dumadami rin ang mga kapatid natin na sinasampahan ng kasong kriminal. Sa Russia at Crimea, 244 na kapatid na ang kinasuhan. Dumami nang mahigit sa doble ang bilang na ito mula noong Disyembre 2018, na 110 kapatid ang may nakabinbing kaso. Sa 244 na may kaso, 39 ang nasa detention, 27 ang naka-house arrest, at mahigit 100 ang pinatawan ng iba’t ibang restriksiyon.

Kahit patuloy na inaatake ng mga awtoridad sa Russia ang mga kapatid natin, hindi tayo ‘nanghihina dahil sa mga paghihirap na ito.’ Sa halip, napapatibay tayo sa mga ulat na nananatiling tapat at patuloy na nagtitiis ang mga kapatid natin. Kaya pinupuri at pinasasalamatan natin si Jehova dahil sinasagot niya ang mga panalangin natin para sa kanila, at lubusan tayong nagtitiwala na patuloy niya itong gagawin.​—1 Tesalonica 3:3, 7.