HUNYO 10, 2020
RUSSIA
Makalipas ang 10 Taon Mula Nang Magdesisyon ang ECHR, Hindi Pa Rin Sinusunod ng Russia ang Internasyonal na Batas
Sampung taon na ang nakakalipas, noong Hunyo 10, 2010, sinabi ng European Court of Human Rights (ECHR) na nilabag sa loob ng maraming taon ng mga awtoridad sa Russia ang karapatang pantao ng mga Saksi ni Jehova nang pahintuin nila ang ating mga kapatid na malayang sumamba. Sa desisyon ng ECHR, dapat magbayad ang Russia ng malaking multa at muling irehistro ang Local Religious Organization of Jehovah’s Witnesses sa Moscow—na kinansela ng mga awtoridad noong 2004.
Pagkatapos na pagkatapos na maibaba ang hatol, sinabi ni Brother Ivan Chaykovskiy, chairman ng Moscow Community of Jehovah’s Witnesses noon: “Ipinapakita ng hatol na ito ang tagumpay ng katuwiran laban sa pagtatangi dahil sa relihiyon. Umaasa akong dahil sa hatol na ito, agad na ibabalik ng mga awtoridad ang legal na mga karapatan natin at wawakasan na ng gobyerno ang pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova.”
Pero biglang naglaho ang pag-asang iyon nang hindi sundin ng mga awtoridad sa Russia ang mga kondisyon ng desisyon ng ECHR. At lalo pa nilang pinatindi ang pag-uusig sa mga kapatid natin sa buong bansa. Lumala pa ang pag-uusig noong 2017 nang ipagbawal ng Korte Suprema ng Russia ang mapayapang pagsamba natin. Pagkatapos nito, inaresto ang marami sa ating mga kapatid, nilitis, at ibinilanggo.
Kahit 10 taon na ang nakakalipas, dapat pa ring sundin ang desisyon ng Korte laban sa Russia. Noong 2010, kinontra ng ECHR ang maraming di-makatarungang paratang na patuloy na ginagawa ng Russia laban sa mga kapatid natin.
Bilang sumaryo, sinabi ng ECHR na ang Moscow Justice Department, pati na ang mga korte sa Moscow, ay “walang legal na basehan” na tanggihan ang muling pagpaparehistro ng mga Saksi ni Jehova. Kinondena ng Korte ang mga awtoridad sa Moscow, at sinabi nito na hindi ito “neutral at patas.” Nilabag din ng mga awtoridad sa Moscow ang European Convention on Human Rights, na sinang-ayunang sundin ng Russia.
Noong 2020, gaya noong 2010, kitang-kita ang pag-uusig ng Russia laban sa ating mga kapatid. “Para sa mga Saksi ni Jehova sa Russia, nanganganib ang kalayaan nila sa pagsasagawa ng pananampalataya nila,” sabi ni Rachel Denber, kinatawan ng direktor ng Europe at Central Asia para sa Human Rights Watch. Sa isang pahayag noong Enero 9, 2020, sinabi pa niya: “Walang makatuwirang dahilan para sa nangyayaring ito.”
Sa harap ng kawalang-katarungang ito, talagang nagtitiwala tayo kay Jehova at dalangin natin na patuloy na palakasin ni Jehova ang ating mga kapatid sa Russia na ‘magsaya habang tinitiis ang lahat ng bagay.’—Colosas 1:11.