MAYO 14, 2019
RUSSIA
Malapit Nang Matapos ang Pagdinig sa Apela ni Christensen
Noong Martes, Mayo 7, 2019, sa Oryol Regional Court, nagsimula ang pagdinig sa apela ni Dennis Christensen laban sa anim-na-taóng sentensiya na natanggap niya dahil sa pagsasagawa ng pananampalataya niya. Gaya ng ibang korte sa Russia, ayaw ring bigyang-pansin ng korteng ito ang inihaharap ng mga abogado na matibay na ebidensiya na nagpapakitang inosente si Dennis. Posibleng ianunsiyo ng panel, na may tatlong hukom, ang desisyon nila sa pagtatapos ng linggong ito.
Noong unang araw ng pagdinig, maraming kapatid ang nagpunta sa korte para suportahan si Dennis. May mga nagpunta ring diplomat mula sa iba’t ibang bansa, mga journalist, at mga tagapagtaguyod ng karapatang pantao. Nagsimula ang pagdinig sa isang maliit na silid na ang kasya lang ay 20 hanggang 25 tao, kaya mga 50 ang hindi pinapasok. Pero pinagbigyan ng korte ang kahilingan ng mga abogado ni Dennis na ilipat ang pagdinig sa mas malaking silid na magkakasya ang mga 80 tao. Itinigil na ng korte ang pagdinig sa unang araw pagkatapos lang ng tatlong oras.
Sa ikalawang araw ng paglilitis, hindi pumayag ang mga hukom sa kahilingan ng depensa na muling suriin ang matibay na ebidensiya sa pagiging inosente ni Dennis. Nakakalungkot ito kasi kumbinsido ang mga abogado ni Dennis na mapapatunayan ng ebidensiya na hindi makatarungan ang orihinal na hatol sa kaniya. Sa pagtatapos ng araw, ipinatalastas ng korte na ang pagdinig ay itutuloy sa Huwebes, Mayo 16. Ibibigay ng mga abogado sa araw na iyon ang panghuli nilang mga argumento.
Patuloy nating ipinapanalangin ang mga kapatid natin sa Russia. Manatili sana ang kapayapaan nila at matibay na pananampalataya sa pangako ni Jehova na sa bandang huli, ililigtas niya sila sa mga humahamak sa kanila.—Awit 12:5.