Pumunta sa nilalaman

Si Brother Ruslan Alyev at ang asawa niyang si Kristina sa harap ng korte noong Setyembre 16, 2020

DISYEMBRE 16, 2020
RUSSIA

Matapos ang 18 Buwan ng House Arrest, Posibleng Makulong si Brother Ruslan Alyev

Matapos ang 18 Buwan ng House Arrest, Posibleng Makulong si Brother Ruslan Alyev

Iskedyul ng Paghatol

Sa Disyembre 17, 2020, * ibababa ng Leninskiy District Court ng Rostov-on-Don ang hatol nito kay Brother Ruslan Alyev. Hiniling ng prosecutor sa korte na bigyan si Ruslan ng tatlong-taóng suspended prison sentence.

Profile

Ruslan Alyev

  • Ipinanganak: 1987 (Chunoyar, Krasnoyarsk Territory)

  • Maikling Impormasyon: Tumira ang pamilya niya sa Azerbaijan at Ukraine, pero palipat-lipat sila ng bahay. Nagtrabaho sa construction, naging salesman, nagturo ng gitara, at naging tutor ng English at Chinese. Mahilig sa sports, at sumusulat ng tula at mga kanta. Nagsasalita ng apat na wika. Marunong ding mag-Chinese ang asawa niyang si Kristina

    Nagsimulang magbasa at mag-aral ng Bibliya noong 13 siya. Sa pag-aaral niya ng Bibliya, nasagot ang lahat ng tanong niya sa buhay. Dahil dito, nag-alay siya at nagpabautismo noong 2006

Kaso

Noong Hunyo 6, 2019, sinampahan ng kasong kriminal si Brother Ruslan Alyev kaya idinitine siya noong Hunyo 10, 2019. Pagkatapos maditine nang 24 na oras, si Ruslan at ang isa pang brother na si Semyon Baybak ay na-house arrest. Walong linggo lang sana ang house arrest ni Ruslan, pero na-extend ito nang siyam na beses. Kaya 18 buwan na siyang nakakulong sa bahay. Habang naka-house arrest si Ruslan, hindi siya puwedeng makipag-usap kahit kanino maliban sa abogado niya, imbestigador, inspektor, at asawa niya. Bawal gumamit ng Internet, at hindi rin puwedeng magpadala o tumanggap ng anumang sulat o text.

Sinabi ni Ruslan na bago pa siya maditine, madalas na nilang pag-usapan ng asawa niyang si Kristina na mangyayari din sa kanila ang ganitong klase ng pag-uusig. “Sinikap naming maging regular sa mga espirituwal na gawain,” ang sabi niya. “Alam na namin ang puwedeng mangyari sa panahon ng pag-uusig dahil sa mga nabasa namin sa mga Yearbook at karanasan ng mga kapatid. Masaya pa rin sila at hindi nasisiraan ng loob kahit napakahirap ng sitwasyon nila.” Sinabi pa ni Ruslan: “Humihiling kami kay Jehova ng lakas para makayanan ang mga posible pang mangyari.”

Nakatulong din kay Ruslan ang pagkukuwento niya sa iba ng mga posibleng mangyari sa kanila. “Naghanap ako ng maraming nakakapagpatibay na teksto at artikulo para matulungan ang mga kapatid sa kongregasyon na maging panatag at mapatibay sila. No’ng kailangan ko na rin ng pampatibay, nakatulong sa akin ang mga teksto at artikulong iyon na ni-research at kinabisado ko.”

Nakatulong kina Ruslan at Kristina ang pagiging handa nila sa pag-uusig. Noong hinahalughog ang bahay nila, ikinuwento niya: “Panatag ako at parang hindi man lang nag-alala.” Habang ginagawa ang imbestigasyon, tinakot ng imbestigador si Kristina na sasampahan din siya ng kasong kriminal. “Hindi man lang natakot si Kristina na baka makasuhan siya. Talagang napatibay ako n’on at napalakas,” ang sabi ni Ruslan.

Mahirap ang pinagdaanan ni Ruslan noong naka-house arrest siya. Pero sinabi niya: “Palaging ibinibigay ni Jehova ang mga pangangailangan ko sa materyal, espirituwal, at emosyonal. Buo ang tiwala ko na gagawin niya ’yan. Noon pa man, sanay na kaming umasa sa kaniya at maging kontento. Kaya hindi kami masyadong nag-aalala ngayon.”

Sa isang pagdinig sa korte tungkol sa pag-extend ng house arrest ni Ruslan, hindi pinayagan sa loob ng courtroom ang mga kaibigan niya. Pero naghintay sa labas ang mga kapatid, at paglabas niya ng courtroom, nagpalakpakan sila at sumigaw, “Ruslan, nandito kami para sa ’yo!”

Ipinagmamalaki natin ang magagandang halimbawa ng mga kapatid natin sa Russia. Kahit pinag-uusig sila nang walang dahilan, laging buo ang tiwala nila kay Jehova.—Awit 118:6-9.

^ Posible pang magbago.