Pumunta sa nilalaman

Mula kaliwa pakanan: Sina Sister Yuliya Miretskaya, Elvira Gridasova, Yevgeniya Lagunova, Tatyana Budenchuk, at Nadezhda German sa labas ng bilangguan sa Orenburg noong Pebrero 2020

HUNYO 23, 2021
RUSSIA

Mga Asawa ng mga Brother na Nakakulong sa Russia, Nagtitiwala sa Tulong ni Jehova Para Matiis ang Mahihirap na Kalagayan

Mga Asawa ng mga Brother na Nakakulong sa Russia, Nagtitiwala sa Tulong ni Jehova Para Matiis ang Mahihirap na Kalagayan

Nang makulong dahil sa pananampalataya ang ating mga brother sa Russia, naging mahirap ang kalagayan hindi lang para sa kanila kundi pati sa kanilang asawa at mga anak. Napakahirap para sa mga ito na mapawalay sa kanilang asawa at ama. Sampung asawang babae ng nakakulong na mga brother ang sumulat sa mga awtoridad sa Russia at inilarawan ang kanilang nadarama. Sinabi nila sa sulat: “Ang liham na ito ay isang pagsusumamo. Ang mga mahal namin . . . ay ikinulong at hinatulang may-sala dahil lang sa paratang na sila, pati na kami, ang aming mga anak, at mga kaibigan, ay nagbabasa ng mga kautusan ng Bibliya at nananalangin sa Diyos.”

Ikinuwento ng ilang sister ang mga problemang naranasan nila at kung paano sila tinutulungan ni Jehova habang nakakulong ang kanilang mga asawa.

Komunikasyon at Pagdalaw

Hindi makausap sa telepono ng maraming sister ang kanilang asawa dahil sa teknikal na mga problema. Isa pa, karaniwan nang matagal bago matanggap ng kanilang mga asawang nakakulong ang mga sulat nila, kung nakakarating man ito.

Ang asawa ni Sister Yevgeniya Lagunova, si Feliks Makhammadiyev, ay nakulong nang mahigit dalawang taon. Kung minsan, matagal siyang hindi nakakatanggap ng sulat mula kay Feliks. Sinabi niya na nahirapan siya kasi hindi niya alam kung okey ba ang kalusugan ni Feliks. Nag-alala rin si Yevgeniya kasi baka naiisip ni Feliks na nakalimutan na siya dahil wala siyang natatanggap na mga sulat.

Marami sa mga asawang babae ang kailangang magbiyahe nang malayo para dalawin ang asawa nila. (Tingnan ang chart na “Layo ng Ibinibiyahe ng mga Misis Para Dalawin ang mga Asawa Nila.”) Halimbawa, sinabi ni Yevgeniya: “Nagbiyahe ako nang mahigit 800 kilometro sakay ng kotse para madalaw ang asawa ko sa bilangguan.” Karaniwan nang tatlo hanggang apat na araw siyang nagbibiyahe para madalaw ang asawa niya at pagkatapos ay makauwi sa bahay. Ang ibang mga sister naman ay nagmamaneho nang hanggang 1,000 kilometro. Pagdating nila sa bilangguan, madalas na kailangan nilang maghintay sa labas at pumila.

Ang asawa ni Sister Irina Christensen na si Dennis ang unang Saksi na nakulong sa Russia pagkatapos ng pagbabawal noong 2017. Regular siyang nagbibiyahe nang 200 kilometro mula sa bahay niya sa Oryol para dalawin si Dennis sa bilangguan sa Lgov. Sinabi ni Irina: “Nakakapagod sa pisikal at emosyon ang mga pagdalaw na iyon sa bilangguan. Kailangan kong umalis ng bahay ng 3:30 n.u. para makarating ako sa bilangguan ng 8:00 n.u. at maibigay ang kailangang mga dokumento. Pagkatapos, kailangan kong maghintay sa loob ng kotse nang hanggang 11:00 n.u., kasi doon pa lang magsisimula ang pagdalaw.” Nang tanungin siya kung paano siya nakakapagtiis, sinabi ni Irina: “Madalas akong manalangin kay Jehova, at hinihiling ko na tulungan niya ako at ang lahat ng kapatid—ang mga malapít sa akin, ang mga nasa bilangguan, at ang lahat ng kapatid sa buong daigdig.”

Kalungkutan

Mahigit dalawang taon nang hindi kasama ni Sister Nadezhda German ang asawa niyang si Gennadiy. Gaya ng ibang asawang babae na nasa sitwasyon niya, nalulungkot siya dahil nawalay siya sa kaniyang asawa. Pero sinabi ni Nadezhda: “Ang kongregasyon ang naging pamilya ko. Damang-dama ko ang pag-ibig at pangangalaga nila sa akin at sa asawa ko.”

Sinabi pa ni Sister Yuliya Miretskaya, na ang asawang si Aleksey ay nakakulong kasama ni Gennadiy: “Tinutulungan ako ng mga kapatid sa mga gawaing-bahay. Nakakagaan ng loob na magkaroon ng mga kapatid na maaasahan mong tutulong sa iyo.”

Pagpapalaki ng mga Anak

Si Sister Tatyana Budenchuk ang mag-isang nag-aalaga sa kaniyang dalawang anak, dahil ang asawa niyang si Aleksey ay nakakulong noon pang Setyembre 2019. Sinabi niya: “Nagpopokus ang mga anak namin sa aming mga pagpapala, sa mga ibinibigay sa amin ni Jehova, at na lagi niya kaming tinutulungan. Alam nilang pansamantala lang ang pagsubok na ito at panahon ito para ipakita ang pananampalataya at katapatan kay Jehova.”

Mag-isang pinapalaki ni Sister Natalya Filatova ang apat nilang anak ni Sergey Filatov, na nahatulang makulong nang anim na taon noong Marso 2020. Tungkol sa mga anak nila, sinabi ni Natalya: “Miss na miss na nila ang tatay nila at nag-aalala sila sa kalagayan niya. Binabanggit nila ito sa kanilang mga panalangin. Sumusulat naman ang bunso kong anak na babae sa kaniyang tatay at sinasabing okey lang kami at hindi siya dapat mag-alala. Pero mas mabuti kung kasama namin siya sa bahay.”

Sinisikap ng pamilya na sundin ang payo ng Bibliya na panatilihing simple ang buhay nila. Sinabi ni Natalya: “Natutuhan naming mamuhay sa kung ano ang mayroon kami at hindi kami bumibili ng hindi namin kailangan. Sapat ang pera namin para sa mga gastusin at iba pang pangangailangan.”

Pinananatiling Matibay ang Pananampalataya

Sa kabila ng mga problemang ito, patuloy na sinasamba ng ating mga sister si Jehova. Sinabi ni Yuliya: “Sinisikap kong mabasa ang lahat ng publikasyong natatanggap ko. Para akong nag-aaral para sa dalawang tao, kasi kapag kausap ko si Aleksey, inaalala ko ito at ibinabahagi ko ito sa kaniya.” Sinabi naman ni Nadezhda: “Lahat ng problema ay malulutas sa tulong ni Jehova! May malapít akong kaugnayan kay Jehova araw-araw. Para akong munting bata sa bisig ng aking napakalakas na Ama! At kapag tinutulungan ko ang iba, natutulungan ko rin ang sarili ko.”

Ganiyan din ang sinabi ni Natalya: “Naalala ko ang sinabi ng isang sister: ‘Walang sinuman sa mga lingkod ng Diyos ang hindi nangangailangan ng kaaliwan, at wala ring sinuman ang hindi kayang magbigay ng kaaliwan sa iba.’ Masaya rin ako kapag naaaliw at napapatibay ko ang iba.” Sabi pa ni Natalya: “Kahit napakahirap ng kalagayan dahil nag-iisa ako at wala ang asawa ko, iniiwasan kong kaawaan ang sarili ko o ma-depress. Hindi ko binibigyan si Satanas ng pagkakataong pahinain ang loob ko!”

Talagang pinapahalagahan ng mga kapatid natin sa buong daigdig ang katapatan at pagtitiis ng mga kapatid na may mga kapamilyang nakakulong sa Russia o sa ibang bansa. Alam natin na mahal at ‘mahalaga sa paningin’ ni Jehova ang mga kapatid nating ito.—Isaias 43:4a.