Pumunta sa nilalaman

MAYO 18, 2020
RUSSIA

Mga Mambabatas sa U.S. Nagpanukala ng Resolusyon; Nananawagan sa Russia na Palayain si Brother Dennis Christensen

Mga Mambabatas sa U.S. Nagpanukala ng Resolusyon; Nananawagan sa Russia na Palayain si Brother Dennis Christensen

Dalawang mambabatas sa United States ang nagpanukala ng House Resolution 958, na kumokondena sa di-makatarungang pagkabilanggo kay Brother Dennis Christensen. Ang resolusyon ang pinakabagong pagkondena ng mga opisyal ng gobyerno laban sa pag-uusig ng Russia sa ating mga kapatid dahil sa relihiyosong mga paniniwala nila.

Inaresto si Brother Christensen at ibinilanggo noong Mayo 2017 dahil lang sa pakikibahagi sa Kristiyanong mga pagpupulong ng mga Saksi ni Jehova. Hinihimok ng resolusyon, na ipinanukala ng mga mambabatas na sina Eliot L. Engel at Michael T. McCaul noong Mayo 8, 2020, na palayain agad ng Russia si Brother Christensen.

“Si Dennis Christensen, isang Saksi ni Jehova at mamamayan ng Denmark, ay nahatulan ng anim-na-taóng pagkabilanggo noong Pebrero 6, 2019, sa desisyong kinondena ng United States Commission on International Religious Freedom,” ang sabi sa resolusyon, “bilang karagdagang katibayan na ang gobyerno ng Russia ay ‘nakikibahagi o nangungunsinti sa paglabag sa kalayaang sumamba.’”

Pagsapit ng Mayo 25, 2020, tatlong taon nang nakabilanggo si Brother Christensen. Isa siya sa 32 sa mga kapatid na nakabilanggo sa Russia; ang 9 sa kanila ay nahatulan at 23 naman ang nabilanggo bago pa man litisin. Mga 18 kapatid din ang naka-house arrest. Mula noong 2017, hinalughog ng Russia ang halos 900 bahay ng ating mga kapatid. Dahil dito, sinampahan ng gobyerno ng Russia ng kasong kriminal ang 331 Saksi ni Jehova.

Kinondena ng mga opisyal ng gobyerno sa United States at Europe ang Russia sa pag-uusig nito sa mga Saksi ni Jehova.

Sundin man o hindi ang House Resolution 958 at magkaroon man ng pagbabago o wala, alam nating patuloy na tutulungan ni Jehova ang ating mga kapatid sa Russia na makapagtiis nang may kagalakan. Umaasa tayo sa panahong aalisin ni Jehova ang lahat ng “nagpapakana ng kapahamakan sa ngalan ng batas.”—Awit 94:20-23.