Pumunta sa nilalaman

Mula kaliwa pakanan: Mga eksperto sa human rights—Valeriy Borshchev, Aleksandr Guryanov, at Sergey Davidis—sa conference na ginanap ng International Memorial Society na nasa Moscow, noong Abril 6, 2021, sa ika-70 anibersaryo ng deportasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Siberia

ABRIL 12, 2021
RUSSIA

Nag-host ang International Memorial Society ng Conference Para sa Ika-70 Anibersaryo ng Deportasyon ng Soviet sa mga Saksi ni Jehova sa Siberia

Nag-host ang International Memorial Society ng Conference Para sa Ika-70 Anibersaryo ng Deportasyon ng Soviet sa mga Saksi ni Jehova sa Siberia

Ilang araw matapos ang press conference sa Moscow noong Abril 1, 2021, para sa ika-70 anibersaryo ng deportasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Siberia, inanyayahan ng International Memorial Society ang maraming Russian scholar at human rights activist sa isang conference na ginanap noong Abril 6. Tinalakay ng mga tagapagsalita hindi lang ang deportasyon noong 1951—na tinawag ng mga Soviet na Operation North—tinalakay rin nila ang mahabang kasaysayan ng pag-uusig na naranasan ng mga Saksi ni Jehova sa Russia.

Ang Operation North ay inorganisa ng Soviet Ministry of State Security (MGB). Noong mga unang buwan ng 1951, nagpadala ng report ang MGB kay Joseph Stalin, lider ng Soviet Union. Sinabi ng report: “Para masugpo ang palihim na gawain ng mga Saksi laban sa Soviet, minabuti ng MGB ng USSR na arestuhin ang mga nangunguna sa sektang Jehovist at palayasin ang makilalang Jehovist mula sa mga hangganan ng Ukraine, Belarus, Moldova, Latvia, Lithuania, at Estonia—kasama ang kanilang mga pamilya—papunta sa mga rehiyon ng Irkutsk at Tomsk.” Halos 10,000 katao, mahigit 3,000 pamilya, ang ipina-deport. Ito ang pinakamalaking nangyaring deportasyon dahil sa relihiyon sa kasaysayan ng Union of Soviet Socialist Republics (USSR).

Sinabi ni Aleksandr Guryanov, ang nag-host ng conference, sa kaniyang panimulang pahayag: “Ang pag-uusig sa grupong ito . . . ay nangyayari pa rin hanggang sa ngayon, kaya mahalagang pag-usapan ang tungkol sa kasaysayan ng Operation North.”

Binanggit ng Pavel Polyan, historian, geographer, at specialist sa pag-aaral tungkol sa sapilitang pandarayuhan sa USSR, ang tungkol sa kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova sa Soviet Union at ipinaliwanag niya ang isa sa mga dahilan ng kanilang deportasyon. Noong huling mga taon ng 1940’s at unang mga taon ng 1950’s, nakita ng MGB kung gaano kaorganisado ang mga Saksi ni Jehova. Sinabi pa ni Mr. Polyan: “Magagaling na misyonero ang [mga Saksi ni Jehova], at ayaw iyan ng gobyerno na hindi naniniwala sa Diyos.”

Sinabi ni Valeriy Borshchev, human rights activist at co-chairman ng Moscow Helsinki Group, kung paano sinikap ng mga awtoridad na Soviet na “turuang muli” ang mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng propaganda at iba pang paraan para talikuran nila ang kanilang paniniwala at huminto na sa pagsamba kay Jehova. Sa kalaunan, “nakita ng mga opisyal ng gobyerno [na may kinalaman sa mga relihiyon] na wala itong saysay,” sabi ni Mr. Borshchev. “Dapat nating papurihan ang mga Saksi ni Jehova. Determinado silang manatiling tapat sa kanilang Diyos.”

Nirepaso ni Sergey Davidis, miyembro ng Memorial Human Rights Center Council at pinuno ng Support for Political Prisoners program nito, ang dumaraming kaso ng pang-uusig sa mga Saksi ni Jehova sa Russia mula noong 1998. Sinabi niya na ang desisyon ng Korte Suprema noong Abril 2017 na kunin ang mga ari-arian ng mga Saksi ni Jehova ay dahil lang sa sinasabi raw ng mga Saksi ni Jehova na sila lang ang tunay na relihiyon. “Maliwanag na hindi patas ang akusasyong ito,” ang sabi ni Mr. Davidis. “Natural lang sa bawat relihiyosong tao na maniwalang tunay ang relihiyon niya.”

Binanggit ni Brother Yaroslav Sivulskiy, isang kinatawan ng European Association of Jehovah’s Witnesses, ang mga problemang tiniis sa mga Saksi ni Jehova na nanirahan sa Siberia. Sinabi niya na ikinuwento sa kaniya ng mga magulang niya na may ilang pamilya na iniwan sa malamig na kagubatan. Humukay ang mga ito ng malalaking kuweba sa ilalim ng lupa. Nanirahan doon ang mga pamilya nang ilang buwan, hanggang makapagtayo sila ng permanenteng bahay. Habang naninirahan sa kagubatan, mga kulitis at balat ng kahoy lang ang madalas kainin ng mga Saksi. Marami ang namatay dahil sa gutom o sakit.

Isang brother at pitong sister na nagtatayo ng matitirhan sa kagubatan ng Siberia

Sinabi ni Brother Sivulskiy na ang dahilan sa pagpapa-deport sa mga Saksi noong 1951 ay kapareho ng dahilan ng pag-uusig ng Russia sa mga Saksi sa ngayon. Iniisip ng mga awtoridad na ang pagiging neutral sa politika ng mga Saksi ay hindi pagkilala sa awtoridad ng Estado. Nakalimutan ng mga awtoridad na ang mga Saksi ay kilala sa pagiging magalang sa awtoridad, masunurin sa batas, at masisipag.

Binanggit ng host na si Aleksandr Guryanov sa kaniyang huling pahayag ang tungkol sa ginagawang pang-uusig ngayon ng Russia sa mga Saksi ni Jehova. Sinabi niya: “Talagang napopoot ang gobyerno sa mga Saksi ni Jehova.” Ipinaalala niya sa mga tagapakinig na 70 taon pagkatapos ng deportasyon, pinag-uusig na naman ng gobyerno ng Russia ang mga Saksi. Itinuring na naman silang mga kriminal dahil isinasagawa nila ang kanilang relihiyosong paniniwala, na isa sa mga karapatang protektado ng konstitusyon.

Available online sa wikang Russian ang video tungkol sa conference.