Pumunta sa nilalaman

Sina Brother Yegor Baranov at Sister Darya Dulova

SETYEMBRE 8, 2020
RUSSIA

Nagpakita ng Pananampalataya at Lakas ng Loob ang mga Kabataang Sina Brother Baranov at Sister Dulova

Nagpakita ng Pananampalataya at Lakas ng Loob ang mga Kabataang Sina Brother Baranov at Sister Dulova

Dalawa sa mahal nating kabataan sa Russia, si Brother Yegor Baranov at Sister Darya Dulova, ang nahaharap sa kasong kriminal at posibleng makulong nang matagal. Si Brother Baranov, 19-anyos, ay kasalukuyang nakakulong bago pa man litisin. Si Sister Dulova naman ay 18-anyos lang nang i-raid ng mga pulis ang bahay niya. Sila ang pinakabata sa mahigit 380 kapatid sa Russia na nahaharap sa kasong kriminal dahil sa kanilang pananampalataya.

Mula pa noong Mayo 27, 2020, nakakulong na si Brother Baranov. Si Sister Dulova naman ay naghihintay ng hatol sa kaniyang dalawang magkahiwalay na kaso. Kahit nasa mahirap na kalagayan, determinado pa rin silang maging tapat kay Jehova.

Noong Mayo 27, ni-raid ng Federal Security Service (FSB) ang bahay ni Brother Baranov at ng nanay niya. Pagkatapos nito, iniutos ni Judge Aleksey Shatilov na ikulong ang kapatid natin bago pa man litisin dahil isa raw siya sa mga lider ng mga Saksi ni Jehova sa lugar nila.

Nakaka-trauma ang pangyayari. Pero sinabi ni Brother Baranov na kumalma siya pagkatapos niyang manalangin kay Jehova. Sinabi niya, “Napansin ng isa sa mga pulis na nag-raid sa bahay namin na kalmado ako na parang hinihintay ko silang dumating.”

Sinabi rin niya na lagi niyang sinasabi sa sarili niya na “kung hinahayaan ni Jehova na mangyari ito, ibig sabihin, kaya ko ’tong tiisin.” Sinabi pa ni Brother Baranov: “Nakatulong sa akin ang marubdob na pananalangin at paghingi ng banal na espiritu ng Diyos para hindi ako matakot. Isa pa, alam kong ’di naman ako kriminal. Malinis ang konsensiya ko, pero pinag-uusig ako dahil sa paniniwala ko.”

Sinabi ni Brother Baranov na hindi siya natakot habang nasa bilangguan. Maganda ang pakikitungo sa kaniya ng mababait na bilanggo na kasama niya at itinuring siyang parang nakababatang kapatid. Sinabi niya, “Alam nilang hindi ako dapat mabilanggo.”

Noong Agosto 1, 2018, ni-raid ng mga pulis ang apartment na tinitirhan ni Sister Dulova at ng nanay niya. Sinabi niya na kahit natakot siya dahil sa paghalughog sa bahay niya at sunod-sunod na pag-aresto sa kanila, matibay pa rin ang pananampalataya niya. “Determinado akong maging tapat kay Jehova,” ang sabi niya. “Maglilingkod pa rin ako kay Jehova, anuman ang mangyari.”

Nagsimula ang paglilitis kay Sister Dulova noong Setyembre 2019 sa Karpinsky City Court ng Sverdlovsk Region. Sa isa sa huling pagdinig, sinabi ni Sister Dulova sa korte na normal lang na sabihin sa iba ang masasayang bagay sa buhay nila. Ipinaliwanag niya: “Halimbawa, alam ko na malapit nang gawin ng Diyos na paraiso ang lupa, at iiyak lang ang mga tao dahil sa tuwa. ’Di ba dapat lang na sabihin ko ito sa iba?”

Kahit may katuwiran ang depensa niya, hinatulan pa rin siyang nagkasala noong Enero 27, 2020. Binigyan si Sister Dulova ng isang-taóng suspended prison sentence. Umapela ang abogado niya.

Noong Agosto 6, 2020, kinansela ng Sverdlovsk Regional Court ang desisyon laban sa kaso ni Sister Dulova. Ibinalik ito sa Karpinsky City Court para hawakan ng ibang hukom. Wala pang iskedyul para sa paglilitis. Habang hinihintay ang resulta ng kaso, gusto rin niyang patunayan na inosente siya sa ikalawang kaso laban sa kaniya, sa nanay niya, at sa tatlo pang Saksi.

Maraming natutuhan sina Brother Baranov at Sister Dulova sa kasong hinaharap nila.

Sinabi ni Sister Dulova ang nakatulong sa kaniya: “Pinatibay ko ang pananampalataya ko. Nakatulong sa akin ang pagbabasa ng Bibliya, paghahanda sa mga pulong, at pagkakabisa ng mga Kingdom song. Lagi kong binubulay-bulay ang mga teksto sa Bibliya. Natulungan ako nito na huwag masyadong mabahala at matakot sa mga puwede pang mangyari.”

Sinabi naman ni Brother Baranov: “Para matiis ang pang-uusig, kailangan mo ng malapít na kaugnayan sa Diyos. Huwag sayangin ang panahon mo. Ngayon pa lang, patibayin mo ang pakikipagkaibigan mo sa Diyos na Jehova.”

Maraming halimbawa sa Bibliya ng mga kabataan na tinulungan ni Jehova na maging matapang. Alam nating patuloy niyang tutulungan ang ating mahal na mga kabataan na pinag-uusig sa Russia at sa iba pang bahagi ng mundo.​—1 Samuel 1:​20; 16:18; 2 Hari 5:​1-3; Daniel 1:​14-​17; 3:​17-​27.