Pumunta sa nilalaman

Mula kaliwa pakanan: Sina Brother Aleksandr Prianikov, Sister Venera Dulova, at ang anak niyang si Sister Darya Dulova, bago litisin

ENERO 24, 2020
RUSSIA

Nahaharap sa Kasong Kriminal ang Isang Brother at Dalawang Sister sa Karpinsk, Russia

Nahaharap sa Kasong Kriminal ang Isang Brother at Dalawang Sister sa Karpinsk, Russia

Sa Lunes, Enero 27, 2020, inaasahang magbababa ng hatol ang Karpinsk City Court sa kaso nina Sister Venera at Sister Darya Dulova at ni Brother Aleksandr Prianikov. Humiling ang prosecutor ng tatlong-taóng suspended prison sentence para kina Brother Prianikov at Sister Venera Dulova, at ng dalawang-taóng suspended sentence para kay Sister Darya Dulova.

Noong Abril 19, 2016, nakipag-usap sina Brother Prianikov at Sister Venera Dulova sa isang lalaki tungkol sa Bibliya. Inakusahan sila ng kamag-anak ng lalaki na nagnanakaw, at tumawag ito ng pulis. Pareho silang dinala sa presinto. Kinuhanan sila ng fingerprint at kinumpiska ang mga publikasyon nila.

Dahil sa insidenteng iyon, inaresto ulit sila at isinailalim sa interogasyon makalipas ang mahigit dalawang taon. Kinumpiska ang mga cellphone at mga dokumento nila. Ipinasuri ng hepe ng pulis sa isang assistant professor ng teolohiya ang laman ng cellphone nina Brother Prianikov at Sister Dulova. Ayon sa 15-pahinang report ng professor, naglalaman ang cellphone nila ng mga turo ng mga Saksi ni Jehova. Iyan ang pangunahing basehan ng prosecutor para akusahan silang kriminal. Pagkatapos, binigyan ng Karpinsk City Court ng permiso ang mga pulis para halughugin ang bahay nila.

Nang halughugin ang apartment ni Sister Dulova, kinumpiska ng mga pulis ang mga gadyet, libro, at mga litrato. Pinagtatanong din ang 18-anyos na anak ni Sister Dulova na si Darya. Hinalughog din ang bahay ng mga kamag-anak nila pati na ang apartment ni Brother Prianikov.

Noong umaga ng Abril 16, 2019, ni-raid ulit ng tatlong Federal Security Service (FSB) agent, isang imbestigador, at dalawa pang pulis ang bahay ni Brother Prianikov. Kinumpiska ng mga pulis ang mga gadyet at iba pang personal na gamit.

Noong Hulyo 23, 2019, ipinatawag si Sister Darya Dulova para sa interogasyon bilang kasabuwat sa kasong kriminal ng nanay niya at ni Brother Prianikov. Lahat ay inakusahan, at nagsimula ang pagdinig sa kaso nila noong Setyembre 2019.

Para sa kanilang tatlo at sa halos 300 iba pang kapatid natin na napapaharap sa kasong kriminal at pagkabilanggo sa Russia, ipinapanalangin natin: “Dahil nagtitiwala kayo sa Diyos, na nagbibigay ng pag-asa, punuin nawa niya ang inyong puso ng kagalakan at kapayapaan, nang sa gayon ay mapuno kayo ng pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng banal na espiritu.”—Roma 15:13.